|
||||||||
|
||
Mahalaga ang Information and Communication Technology sa kalusugan ng madla
MAHALAGA ANG INFORMATION - COMMUNICATION TECHNOLOGY. Ito ang binigyang pansin ni Pangulong Takehiko Nakao ng Asian Development Bank sa isang pagpupulong ng may 200 mga dalubhasa mula sa Asia Pacific region. (ADB Photo)
HINDI maitatatwa ang kahalagahan ng information and communication technology sa pagtulong sa mga pahalaan sa Asia na mapadali, mapataas ang antas at magpapababa sa halaga ng healthcare para sa mga lahat ng mga mamamayan.
Ito ang pinag-uusapan sa dalawang araw na pulong ng higit sa 200 mga delegadong natipon sa Asian Development Bank general headquarters sa Mandaluyong City.
Ayon kay Susann Roth, Senior Social Development specialist ng ADB, ang masinop na paggamit ng ICT ay nangangahulugan na magkakaroon ng mas mabuting data at systems na magpapataas sa uri ng healthcare sa mas mababang halaga. Sa pagkakaroon ng mas magandang antas ng kalusugan, mangangahulugan ito ng mas magandang buhay at mas matatad at malawakang kaunlaran.
Ang pulong na pinamagatang "Measuring and Achieving University Health Coverage with ICT in Asia and the Pacific" ay isang pagtitipon ng mga dalubhasa sa larangan ng kalusugan, social protection, finance agencies, academic institutions at development organizations mula sa 25 bansa. Pagbabalik-aralan nila ang "cost, benefit and impact" ng ICT solutions upang mapahusay ang healthcare monitoring at matamo ang universal health coverage sa mas madaling panahon. Layunin din ng pulong na matulungan ang mga kabilang sa ADB developing member countries na magkaroon ng kanilang sariling business cases para sa strategic ICT investments upang mapalawak ang paggamit ng healthcare budgets.
Kasama sa nagtataguyod ng pulong ang World Health organization at ang Asia e-Health Information Network.
Palalakihin ng ADB ang ilalaang salapi para sa health-related projects sa pag-itan ng US$ 400 at US$ 750 milyon sa taong 2020 at halos madodoble ang health assistance sa mga nakalipas na taon. Inaayos din ng ADB ang Operational Plan for Health at ang pinakalayunin ay ang universal health coverage. Malaki ang magiging papel ng Information and Communication Technology sa mga palatuntunang ito.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |