|
||||||||
|
||
Salaping idinaan sa Federation of Filipino – Chinese Chambers of Commerce, maayos na nagastos
WALANG dapat ikabahala sa salaping mula sa Priority Development Assistant Fund (PDAF) na hiniling ni Senate President Franklin M. Drilon at idinaan sa Federation of Filipino – Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc.
Sinabi ni Secretary-General Fernando Gan na ang pondong idinaan sa kanila ay nagastos ng maayos at naipagpatayo ng iba't ibang paaralan sa buong bansa. Niliwanag ni Dr. Gan na walang nawawala o nagamit sa masamang paraan. Mayroong sapat na accounting at naipatayo ng mga paaralan na pinakikinabangan na ng madla.
Nagsimula ang pagtutulungan ng tanggapan ni Senador Drilon at ng FFCCCI noong 2002 at naging dahilan ng pagtatayo ng may 1,600 na silid-aralan sa buong bansa sa halagang kalahati sa ginagastos ng pamahalaan. Mayroon umanong koordinasyon sa Commission on Audit at sa Department of Public Works and Highways. May mga sapat na dokumentong magpapakita na malinis ang mga proyekto at walang katiwalian.
Natagalan ang pagsusumite ng mga dokumento sapagkat binago ng CoA ang kanilang kalakaran sa paghingi ng iba pang mga dokumentong hindi naman hinihiling noon.
Noon pa umanong April ng taong ito ay lumiham na ang pederasyon sa CoA upang magsagawa ng joint inspection ng mga paaralang itinayo sa pamamagitan ng PDAF ni Senador Drilon.
Hindi naman binanggit kung gaano ang salaping nagmula sa PDAF ni Senate President Drilon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |