|
||||||||
|
||
Matatag na health systems, kailangan ng iba't ibang bansa
SINABI ni Pangulong Takehiko Nakao ng Asian Development Bank na ang magandang kalusugan ay mahalaga sa uri ng buhay.
Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng dalawang araw na pagpupulong ng mga dalubhasa sa Asia, sinabi niyang ang malusog na mga mamamayan ang susi sa pagkakaroon ng matatag at pangmatagalang kaunlaran. Ang universal coverage ang makatitiyak ng may uring health services para sa lahat ng hindi na mangangailangan ng paggasta.
Ayon kay Pangulong Nakao, maraming bansa sa Asia Pacific region ang nagpapasan ng mataas na halaga ng health care. Tumataas din ang halaga ng health care sa iba't ibang bansa na lumalago mula sa mababa hanggang sa umuunlad at maunlad na income status. Nagbabago na rin ang disease profile mula sa nakahahawa hanggang sa hindi nakakahawang karamdaman sa pagdami ng tumatandang mga mamamayan.
Sa isang pagsusuri ng ADB, nabatid na mula 4 hanggang 7% ng salapi ng bawat tahanan ang natutungo sa kalusugan. Ang mga pamilyang salat sa salapi ang siyang pinakahirap sa pangangailangan sa laragan ng kalusugan. Nabatid rin na sa Cambodia, 4% ng mga pamilya ang tuluyang nagdarahop sa bawat buwan sanhi ng "out-of'pocket health expenditures."
Idinagdag pa ni Pangulong Nakao na kailangang magkaroon ng reporma sa larangan ng health care financing at health services delivery. Magaganap lamang ito sa pamamagitan ng mas magandang paggamit ng information and communication technology na siyang titiyak sa may-uri at mas mababang halagang health services.
Kailangan, ani Pangulong Nakao, ang pagtatala ng mga isinisilang, mga namamayapa at pagkakaroon ng epektibong pagpapatakbo ng public at health care services at sa supply chain management ng mga gamot. Ang maayos na datos ang magagamit sa pagpaplano at paggamot. Makatutulong din ang ICT sa mga pasyente sa malalayong pook na makamit ang health services.
Idinagdag pa ng pinuno ng ADB na mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng bangko sa tulong ng ICT. Sa mga bansa sa Pasipiko, ang ADB ang naglagay ng ICT backbone infrastructure tulad ng optical fiber cabling. Sa Bangladesh at Lao People's Democratic Republic, suportado ng ADB ang pangungulekta ng datos mula sa mga pasyente upang makabuo ng mas maayos na palatuntunan sa larangan ng kalusugan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |