|
||||||||
|
||
Kagawaran ng Kalusugan, alertado sa pananalasa ng bagyo
DEKLARADO ang Code Blue Alert sa lahat ng mga pagamutan ng pamahalaan sa Region IV-B o MIMAROPA, V o Bicol Region, VI Kanlurang Kabisayaan, VII na kilala sa pangalang Gitnang Kabisayaan at maging ang Region VIII o Silangang Kabisayaan bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng pananalasa ng malakas na bagyong "Ruby."
Ang Code Blue Alert ay nangangahulugan na 50% ng mga tauhan ng pagamutan ay kailangang magdulot ng medical at iba pang serbisyo sa mga mamamayang mangangailangan ng tulong.
Saklaw ng Code Blue Alert ang Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City, Culion Sanitarium and General Hospital sa Culion, Palawan, Bicol Medical Center sa Naga City, Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Legazpi City, Bicol Sanitarium sa Cabusao, Camarines Sur, Western Visayas Medical Center sa Iloilo City, Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Bacolod City, Western Visayas Sanitariaum sa Sta. Barbara, Iloilo at Don Jose S. Monfort Medical Center sa Barotac Nuevo, Iloilo.
Kasama rin sa alertadong mga pagamutan ang Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City, Saint Anthony Mother and Child Hospital sa Cebu City, Eversely Child Sanitarium sa Mandaue City, Governor Celestino Gallares Memorial Hospital sa Tagbilaran City. Sa Region VIII, alertado rin ang Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City at Schistosomiasis Control and Research Hospital sa Palo, Leyte.
May mga gamot at iba pang supplies na nagkakahalaga ng P 243 milyon ang naipadala na sa mga rehiyon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |