|
||||||||
|
||
20150108Melo
|
LABIS na ikinagulat ng Pamahalaan ng Pilipinas ang walang katuturang pagpaslang sa may 12 katao at pagkakasugat ng ilang mga mamamayan sa Paris, Francia.
Sa isang pahayag ng Tanggapan ng Pangulo sa Malacanang, ipinarating ng Pilipinas ang pakikiisa sa mga Frances at sa buong daigdig sa pagtuligsa at pagkondena sa walang paggalang sa kasagraduhan ng buhay at sa karapatang mamahayag.
Nakikiramay ang Pamahalaan ng Pilipinas sa mga pamilya ng mga napaslang sa kanilang pagluluksa sa pagkawal ng kanilang mahal sa buhay at sa pagsisimula ng paghahangad ng katarungan.
Samantala, ipinarating din ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pagkondena sa nasa likod ng pananalakay sa satirical magazine na Charlie Hebdo na ikinasawi ng 12 katao na kinabibilangan ng 10 mamamahayag. May 11 iba pa ang nasugatan.
Ayon kay Rowena Paraan, chairperson ng NUJP, ang pananalakay at mga pagpatay ay isang matinding dagok sa kalayaan ng pamamahayag. Nadarama din ng mga mamamahayag na Filipino ang nadarama ng mga Frances.
Sa Pilipinas ay mayroon nang 170 mga mamamahayag ang napaslang mula noong 1986 sa pagtatangkang busalan ang mga peryodista, brodkaster at whistleblowers na nagbubunyag ng mga katiwalian at masasamang gawa ng mga pulis at kawal.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |