|
||||||||
|
||
Kontrobersya sa pagsusuot na lampin, pinaguusapan sa social media
PINAG-UUSAPAN hindi lamang sa mga kapihan kungdi sa social media ang desisyon ni Metro Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino na pagamitin ng adult diapers ang kanyang may 2,000 traffic enforcers bukas para sa kapistahan ng Itim na Nazareno.
Milyong mga Filipino ang dumadalo sa Misa at prusisyong umaabot ng may 18 oras mula sa Luneta hanggang sa Basilica Minore ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila.
Kung magtatagumpay ang kanyang balak, ito rin ang kanyang ipatutupad sa pagdalaw ni Pope Francis sa ika-15 hanggang ika-19 ng Enero sa Maynila. Inaasahang magiging mahigpit ang daloy ng mga sasakyan sa dalawang okasyon at mangangailangan umano ng mga traffic enforcer na hindi aalis sa kanilang destino.
Pinayuhan din ni Chairman Tolentino ang mga mamamayang maghihintay sa pagdalaw ng Santo Papa na gumamit na rin ng adult diapers.
Sa panayam sa himpilan ng radyo, sinabi ni G. Tolentino na hindi kaagad makatutungo sa mga palikuran ang kanyang mga tauhan sa dalawang malalaking okasyon kaya't naisipan nilang gamitin ang adult diapers.
Wala naman umanong problema sa kanyang mga tauhan na handang gumamit ng adult diapers. Susubukan nila ang pagpapagamit ng adult diapers sa 800 traffic enforcers sa halos 24 na oras na prusisyon.
Magugunitang daang libong mga deboto ang lalahok sa prusisyon ng walang pangyapak o mga sapatos sa pagdadala ng daang-taong imahen ng Panginoong Hesukristo na may pasang-krus.
Hindi sasapat ang portalets o portable toilets para sa milyong mga mamamyang dadalo sa misa ni Pope francis sa ika-18 ng Enero sa Rizal Park. Kahit ang mga pari at madre ay pinayuhan ni G. Tolentino na gumamit ng adult diapers.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |