|
||||||||
|
||
20150413Meloreport.mp3
|
SINO ang mag-aakala na mayroong isang Tsinong may munting paaralan sa gitna ng Intramuros na tumutugon sa pangangailangan ng mga supling ng mga karaniwang manggagawa at maralitang taga-lungsod?
Siya ay si G. John Go Hoc, ngayo'y 75 taong gulang at isang retiradong mangangalakal. Isinilang noong 1940 sa mga magulang na purong Tsino at mayroon pang ala-ala ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Nagmula ang kanyang ama sa isang barangay ng mga mangingisda sa Shen Hu sa Fujian Province, Tsina at dinala rito ng kanyang lolo upang magtrabaho sa isang kusina ng isang mayamang Tsinong naninirahan na sa Maynila. Bago sumapit ang 1940, ani G. Go Hoc, may sariling kalakal na ang kanyang ama.
Matapos ang kanyang matagumpay na negosyo noong mga huling taon ng dekada otsenta, pinag-isipan niyang makailang ulit na magsimula ng kakaibang proyekto para sa mga mahihirap.
Kantiyaw umano ang kanyang inaabot mula sa mga dating kamag-aral at mga kaibigan na nagsabing sa edad niyang 75, nararapat lamang siyang maglakbay sa iba't ibang bansa sa daigdig at kahit manirahan pa sa Estados Unidos. Subalit sinabi niyang walang problema sa pagdalaw sa America subalit hindi siya maninirahan doon sapagkat sa Pilipinas siya nakinabang kaya't marapat lamang na pakinabangan din ng mga aba ang biyayang kanyang nakamtan.
Ani G. Go Hoc, hindi na posibleng maturuan ang matatanda kaya't sinimulan niya sa mga pito hanggang walong bata sa loob ng Intramuros na tinuturuan niyang magbasa at umunawa ng mga kwento, makapagbilang at makapagsulat.
Sinimulan lamang niya sa pito o walong kabataan hanggang sa napuna ng mga bata sa labas ng kanyang bakuran at nagsabing isama na rin sila sa informal classes.
Pinagtutuunan ng pansin sa kanyang munting paaralan ang pagbabasa, pagsusulat at pagbibilang at ngayong tag-init ay mayroong mga 200 batang nakatala.
Noong nakalipas na pasukan ay mayroong 400 mga kabataang mula sa elementarya hanggang high school na lumalahok sa kanyang paggabay sa pag-aaral.
Bukod sa pagsusuhay sa kaalaman ng mga kabataan, mayroon din siyang pagtuturo ng musika tulad ng paggigitara at pagtugtog ng piano at clavinova na ayon sa nota.
Hindi lamang sa ganitong paraan natutulungan ang mga kabataan sapagkat mayroon din siyang supplemental feeding sa pamamagitan ng soya milk, itlog at doughnuts. Tinutulungan din si Mg. Go ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng regular na pagpapadala ng chewable vitamins.
Ipinaliwanag pa ni G. Go Hoc na kahit paano ay nakakatulong din siya sa pag-aaral ng mga matatalinong taga-Intramuros tulad ng isang nag-aaral upang maging piloto at isang nais maging manggagamot.
Sa kanyang tanggapan sa Real St. sa puso ng Intramuros, walang anumang makikitang plake o sertipiko na nagpapakita ng kanyang mga nagawa sa lipunan at komunidad.
Naniniwala si G. Go Hoc na ang mahalagang sertipiko ay natatagpuan sa mga ngiti, pasasalamat at mainit na pagbati ng mga kabataang dumaan sa kanyang munting paaralan.
Umaasa siya na sa mga susunod na panahon ay itutuloy ng kanyang pamilya, mga kamag-anak at mga kaibigan ang kanyang nasimulan.
Angkop lamang ang kwentong ito sa ika-40 taong pagkakaibigan ng mga pamahalaang Filipino at Tsino.
Ang nagawa ni G. John Go Hoc ay paglalarawan lamang ng pagtitiwala ng mga Tsino at Filipino sa isa't isa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |