|
||||||||
|
||
Pamahalaan, may tugon sa mga manggagawang uuwi sa Pilipinas
MAYROONG mga programa ang pamahalaan para sa mga manggagawang magmumula sa magugulong bansa tulad ng Yemen at Libya. Ito ang sinabi ni Department of Labor and Employment Director Nicon Fameronag sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat.
Subalit sinabi naman ni Gary Martinez ng Migrante International na maihahalintulad lamang ito sa first aid o pangbenda lamang sa sugat. Isang dahilan kaya't ayaw umuwi ng mga Filipino sa Libya at Yemen ay ang kawalan ng matatagpuang trabaho sa Pilipinas.
Para kay dating Senador Francisco S. Tatad, nararapat maliwanag sa pamahalaan ang mga hakbang na gagawin upang mapigilan ang paglala ng problema sa bansa. Ipinaliwanag niyang nararapat magka-isa ang mga programa ng iba't ibang kagawaran at pagtuunan ng pansin ang pagsugpo sa human trafficking.
Dumulog naman si Marites Veloso Laurente sa mga mamamahayag na tulungan ang kanilang pamilya na mailigtas ang kanilang kapatid na si Mary Jane sa parusang kamatayan sapagkat napabayaan ng pamahalaan ang kanyang depensa sa hukuman. Ani Gng. Laurente, nakausap niya ang kanyang kapatid at nababahala ang napipiit sapagkat lumantad na ang kanilang pamilya sa media kahit pa pinagbantaan ng recruiter na isang tubong Talavera, Nueva Ecija.
Para kay Bb. Zenaida Beltejar, may kakayahan din ang Red Cross na tumulong sa pagpapa-uwi ng mga Filipino mula sa ibang bansa. sinabi ng Manager for Social Services ng Philippine Red Cross na sa alinmang bansa, mayroong Red Cross o Red Crescent society na naglilingkod. Naganap na ito sa kanilang paglilikas ng mga biktima ng human trafficking sa Ivory Coast kamakailan.
Para kay Fr. Jerome Secillano ng Office on Public Affairs ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na kailangan ang mas malawakang at malalim na pagtutulungan ng lahat ng stakeholders upang maiwasan ang panganib na hinaharap ng mga manggagawa.
Nanawagan din si dating Senador Tatad sa pamahalaan na tugunan ang lumalagong (illegal) drug industry sa Pilipinas at dakpin ang mga nasa likod ng mga sindikato.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |