|
||||||||
|
||
Hero's welcome, iginawad kay Manny Pacquiao
DUMATING na sa Pilipinas kaninang umaga si Manny Pacquiao. Wala mang bagong koronang dala, isang hero's welcome pa rin ang iginawad sa kanya.
Nakita na namang muli ang pagiging "People's Champ" ni Manny Pacquiao sa mainit na pagtanggap sa kanya. Umuwi na si Pacquiao na talunan at may pinsalang dinaranas sa balikat subalit hindi nagbago ang pagkilala sa kanya ng mga mamamayan.
Sigawan pa rin ang mga lumahok sa pagsalubong at hindi kinakitaan ng anumang sama ng loob sa kanyang pagkatalo.
Sinimulang magsama-sama ng mga mamamayan sa labas ng Dusit Thani Hotel sa Makati kung saan nag-almusal si Pacquiao at sinimulan ang kanyang motorcade.
Kahit nakabenda ang kanyang kanang braso matapos ang operasyon, humarap pa rin siya sa mga kaibigan at tagahanga at nagpakuha pa ng larawan. Masaya umano siya sapagkat nagkaisa ang mga Pilipino sa pagsuporta sa kanyang laban.
Pinangunahan ng kanyang security convoy, mga ikasampu na ng umaga nagsimula ang motorcade sa Pasay Road patungo sa Makati at Ayala Avenues. Sa mga mamamayang nakapanayam ng mga mamamahayag at tagapagbalita, ipinakikita lamang umano nila ang pagmamahal kay Pacquiao kahit pa natalo ni Floyd Mayweather.
Namigay din siya ng mga t-shirt, posters at mga kopya ng kanyang mga awitin. Dumaan ang motorcade sa Buendia mga ikasampu at kalahati ng umaga at nakarating sa Taft Avenue mga ika-labing isa ng umaga. Dumaan sa Roxas Blvd. at nakarating sa Rajah Sulayman Park sa Manila. Doon siya sinalubong ni Manila Mayor Joseph Estrada para sa isang maiksing programa.
Nagpahinga siya sa Manila Hotel at nakatakdang dumalaw sa Malacanang upang magbigay-galang kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
Dumating si Pacquiao mula sa Los Angeles sakay ng Philippine Air Lines Flight PR 103 kaninang mag iika-apat ng umaga.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |