|
||||||||
|
||
20150720Meloreport.mp3
|
NANINIWALA ang karamihan sa mga naging panauhin sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga napapanahong aminin ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang kanyang mga naging pagkukulang at banggitin ang mga palatuntunang nararapat ipagpatuloy ng kanyang magiging kahalili.
Ipinaliwanag ni G. Carlos Yturzaeta, isa sa mga namumuno sa sa Good Governance Advocates and Practitioners of the Philippines, kailangang magkaroon ng maliwanag na paglalahad ng mga nagawa at mga programang nangangailangan ng pagpapatuloy ng mga susunod na administrasyon.
Sinabi naman ni G. Rene Magtubo ng Church Labor Conference na sa pagtaas ng ekonomiya naiwan naman ang mga manggagawa at iba pang mahihirap. Nakalulungkot ani G. Magtubo na sa pagsulong at pag-unlad ng Gross Domestic Product ay nababawasan ang uri ng hanapbuhay.
Para kay Dr. Teodoro Herbosa, maganda ang nagawa ng pamahalaan sa pagpapataw ng dagdag na buwis sa sigarilyo upang matustusan ang universal health care program. Nangangamba nga lamang si Dr. Herbosa na baka sa ibang programa magamit ang salapi.
Ipinangangamba nina G. Yturzaeta at Julius Cainglet ng Federation of Free Workers na walang long-term programs ang pamahalaan sapagkat ang mga palatuntunang ipinatutupad ay para lamang sa mga panahong nanunungkulan ang mga na sa pamahalaan tulad ni Pangulong Aquino na nagtatagal lamang ng anim na taon.
Sumang-ayon naman sina Fr. Jerome Secillano ng CBCP Public Affairs na kailangang magkaroon ng pananagutan ang lahat ng may tungkulin sa ilalim ng administrasyon lalo't may mga kakulangan sa mass transport, sa karapatan ng paggagawa at iba pa.
Sinabi ni Volunteers Against Crime and Corruption chairman Martin Dino na lumala ang illegal gambling, ang droga at mga krimeng kagagawan ng mga karaniwang mga kriminal at maging ng mga kabataan. Mas makabubuti umanong mabantayan ang mga kabataan laban sa salot ng lipunan.
Nagpaliwanag naman si Gng. Marian Pastor Roces mula sa Kaya Natin, isang non-government organization, na maaaring batikusin ang pamahalaan sa mga pagkukulang subalit nararapat lamang na papurihan sa mabubuting nagawa nito sa lipunan. Isang bagay din ang kanyang binigyang pansin at ito ay ang paghalal sa mga may kakayahang tao sa darating na halalan.
Bilang pangwakas, sinabi ni G. Ytrurzaeta na sa pribadong sektor na kanyang pinagmulan, maliwanag ang papel na ginagampanan ng mga nasa management at kung hindi matutugunan ang nasasaad sa job description, matatanggal sila at kung di man ay mapapanagot sa kanilang kakulangan.
Nais mapakinggan ni Julius Cainglet ang pananaw ng Aquino administration sa huling State of the Nation Address in Pangulong Aquino ang programang mag-aangat sa mga manggagawa sa kanilang kinasasadlakan.
Nanawagan naman si Captain Martin Dino kay Pangulong Aquino na tigilan na ang panininisi sa mga nakalipas na pamahalaan. Kasabay din ito ng panawagan ni Dr. Ted Herbosa na maging mapagmasid ang madla sa mga katagang namumutawi sa mga kinauukulan. Kailangan umano ng kanilang constituency ang pagtiyak na mababago at mapapaunlad ang kanilang kalagayan.
Naniniwala rin si Gng. Roces na malaki ang papel na gagampanan ng mga mamamayan sa patuloy na pagbabago. Binanggit niya ang pagyabong ng mga programang maka-tao at para sa tao.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |