|
||||||||
|
||
The Moon Reflected In Er-quan
|
Ang "The Moon Reflected In Er-quan"o kilala rin bilang "The Moon Over a Fountain" ay isa sa mga pinakakilalang folk music ng Tsina na tinutugtog gamit ang Erhu,isang tradisyonal na instrumento ng Tsina. Ang Erhu ay isang two stringed bowed instrument na may mababa at mahinhing tunog. Napakahusay ng Erhu sa pagpapahayag ng damdamin ng manunugtog, at ang tunog nito ay malapit sa tinig ng tao. Dahil dito, ito'y isang instrumentong malimit na gamitin sa Tsina. Sa kanluran, tinatawag itong Chinese Violin. Ang Erhu ay nakapagpapahayag ng iba't ibang damdamin ng tao, nguni't pinakamahusay ito sa pagpapahayag ng makabuluhang emosyon.
Ang musika ng "The Moon Reflected In Er-quan"o "Er-quan Yingyue"sa Wikang Tsino ay isang masterpiece na tinugtog sa pamamagitan ng Erhu. Medyo malungkot ang melody, di ba? Nang marinig ito ni Ozawa Seiji, kilalang Japanese Conductor sa kauna-unahang pagkakataon, sinabi niyang "to appreciate this music, you should kneel down first. Ito ay parang masterpiece ni Beethoven na "Symphony of Destiny."
Bakit kaya niya nasabi ito? Dahil ang "The Moon Reflected In Er-quan"ay nilikha ng isang bulag. Ang pangalan ng composer ay A Bing. Madalas niya itong tinutugtog sa tabi ng Er-quan Spring. Noong panahong iyon, napakahirap ni A Bing at halos wala siyang makain. Mula sa melodya at rhythm, nadarama natin ang sobrang kalungkutan. Maraming tao rito sa Tsina ang napapaluha pagkatapos itong mapakinggan. Ito nga ang pokus ng naturang obra, at ganito ang sariling karanasan ni A Bing.
Ang Erhu ay isang instrumentong de-kuwerdas na kilalang kilala sa Tsina. Ang kasaysayan nito ay mababakas mula pa noong ika-7 hanggang ika-10 siglo ng Dinastiyang Tang. Nguni't sa panahong iyon, ang Erhu ay pangunahing ginagamit ng hanay ng mga pambansang minoriyang naninirahan sa hilagang kanlurang Tsina. Sa loob ng mahigit sanlibong taong pag-unlad, ang Erhu ay nanatiling pangunahing instrumento na pansaliw sa mga opera.
Pagkatapos maitatag ng Republikang Bayan ng Tsina noong l949, ang Erhu ay nagkaroon ng malaking pag-unlad. Hindi lamang ito ginagamit sa solo, kundi pansaliw din sa mga opera, sa awit at sayaw, at sa awit na pasalaysay. Ang Erhu ay isang pangunahing instrumento sa mga orkestra ng mga instumentong tradisyonal at ang papel nito ay kasintulad ng papel ng biyolin sa mga orkestra ng mga instumentong kanluranin.
Simple ang kayarian ng Erhu, kaiga-igaya ang tunog nito sa tainga, kaya kinagigiliwan ito ng husto ng mga mamamayang Tsino. Ang instrumentong ito ay isa sa mga pinakapopular na instrumento sa malawak na masa ng mga mamamayan ng Tsina.
Si Peng Liyuan
Si Peng Liyuan ay isang kilalang folk singer ng Tsina, at ngayon mas kilala siya bilang Unang Ginang ng Tsina. Tama po ang narinig ninyo. Si Peng Liyuan ay walang iba kundi ang kabiyak ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Bilang isang singer, siya ay matagumpay. Siya ang kauna-unahang folk singer na nagtamo ng master's degree sa traditional ethnic music nang itinatag ang kursong ito noong 1980s. Maliban sa pagiging Unang Ginang ng Tsina, siya rin ngayon ang Dean ng People's Liberation Army Art Academy. Bago nahalal bilang pinakamataas na lider ng Tsina si Xi Jinping, si Peng Liyuan ay mas kilala kaysa kay Pangulong Xi. Siya ay isa sa mga pinakakilalang folk singer at ang kanyang mga awit ay laging pinakikinggan ng halos lahat ng mga Tsino. Habang pinapakinggan ang awit ni Peng, maari nating maramdaman ang kanyang napakahusay na teknik sa pagkanta. Sa narinig nating awitin na "The Moon Reflected In Er-quan," pinagsama ang estilo ng makabagong folk song at Peking opera.
Si Li Yugang
At dahil nabanggit natin ang pagsasanib ng estilo ng Peking opera at makabagong musika, dapat din nating mabanggit ang isa pang artista. Siya ay sobrang popular ngayon sa Tsina. Siya ay si Li Yugang, kinanta rin niya ang "The Moon Reflected In Er-quan." Noong mga nakaraang episode ng MaArte Ako, naisalaysay na natin ang hinggil kay Li Yugang. Siya ay isang lalaki pero may boses ng kapwa lalaki at babae. Kaya, may natatanging talento si Li Yugang: kinakanta niya ang kapwa papel ng lalaki at babae. Ibig sabihin, puwede siyang mag-duet. Bukod sa Tsina, marami siyang fans sa daigdig at nagtanghal na siya sa mga road show sa Singapore, Hapon, at iba pang bansa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |