|
||||||||
|
||
Dating Senador Joker Arroyo, pumanaw na
NAMAYAPA na si dating Senador Joker Arroyo sa isang pagamutan sa ibang bansa. Lumabas ang balita ng kanyang pagpanaw sa pahayagang Philippine Star kanina.
Ayon kay Senate President Franklin M. Drilon, wala pa siyang opisyal na impormasyong natatanggap kaya't wala munang magiging pahayag.
Para kay Vice President Jejomar C. Binay, matagal ang kanilang pinagsamahan ng senador, mula pa lamang sa kanilang paglaban sa diktadura ni G. Ferdinand Marcos sa ilalim ng batas militar.
Sa isang pahayag, matagal at marami na ang kanilang pinagdaanan mula sa pagiging abogado ni dating Senador Beningno "Ninoy" S. Aquino Jr.
Hindi umano niya malilimot ang kanilang pinagsamahan sa paglaban sa diktadura ni G. Marcos.
Sa panig ni dating Senate President Aquilino Q. Pimentel, Jr., sa isang taong lumaban sa Martial Law, makakabilang si Senador Joker Arroyo sa taong walang kamatayan sa ala-ala ng taongbayan.
Hindi kailanman maitatanggi ang kanyang paninindigan sa kalayaan, sa karapatang pangtao nang walang anumang pagkukunwari. Itinaya ang lahat, buhay, kalayaan at kaligayahan.
Katawan lamang umano ng senador ang namayapa sapagkat mananatiling buhay sa puso at damdamin ng taongbayan ang isang katulad niya.
Sinabi naman ni dating Senador Eddie Ilarde na si dating Executive Secretary Joker Arroyo ang humadlang sa kanyang pag-upo bilang officer-in-charge ng Lungsod ng Makati upang pagbigyan ang kasama niyang galit sa mga Marcos, sa pagkatao naman ni Atty. Jejomar C. Binay na ngayo'y pangalawang pangulo na ng bansa.
Sa pangyayaring ito, hindi nawala ang kanyang paghanga kay Senador Joker Arroyo sa kanyang ipinakitang talino at pagmamahal sa bayang Filipino, dagdag pa ni Senador Ilarde.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |