|
||||||||
|
||
Human rights cases, kasama sa prayoridad ng Public Attorney's Office
UMAASA si Chief Public Attorney Persida V. Rueda Acosta na matatapos na ang usaping kinakaharap ni Elpidio Romanca, isang magsasakang tubong Eastern Samar na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms.
MGA PAGLABAG SA KARAPATANG PANGTAO, PRAYORIDAD RIN NG PAO. Sinabi ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta na prayoridad ng kanyang tanggapan ang mga usaping may kinalaman sa paglabag sa karapatang pangtao. Sa isang panayam sa Tacloban City, sinabi ng abogada na handa ang kanyang tanggapang tumugon sa pangangailangan ng mga karaniwang mamamayan. (Melo M. Acuna)
Patuloy na dinirinig ng Regional Trial Court Branch 30 sa ilalim ni Judge Tarcelo Sabarre, Jr. sa Basey, Eastern Samar ang usapin ni Romanca sa nakalipas na ilang buwan
Sa panayam sa akusado na noong gabi ng ika-16 ng Nobyembre, 2014, isang grupo ng mga armado ang dumaan sa kanilang tahanan at nagpasama sa sa isang daan papalayo sa kanilang kinalalagyan. Sinamahan umano niya ang grupo at inanyayahan siyang sumabay sa kanilang pagkain. Samantalang kumukuha siya ng tubig, naganap ang sagupaan sa pagitan ng grupong kanyang kasama at mga tauhan ng Philippine Army.
Tinamaan siya sa kanang hita at isinama ng mga kawal, dinala sa isnag pagamutan at matapos dalawin ng kinatawan ng Philippine Red Cross, inilipad siya ng helicopter at isinugod sa Philippine Army Hospital.
Hindi siya nakausap ng human rights group na hiningan ng tulong ng pamilya ng biktima. Laking gulat na lamang ng akusado na kinasuhan siya ng illegal possession of firearms and ammunition.
Ipinaliwanag ni Atty. Acosta na may kahirapang patunayang may baril ang akusado sapagkat tumagal ng walong buwan bago inilabas ng Philippine Army ang sinasabing armalite na ginamit ng akusado. Nagkataong kakaiba ang dinala sa hukuman sa sinasabi sa sinumpaang salaysay.
Ayon kay Atty. Acosta, makakamtan din ni G. Romanca at ng kanyang pamilya ang katarungan sa mga susunod na panahon. Itinakda ni Judge Sabarre ang susunod na pagdinig sa Miyerkoles, ika-25 ng Nobyembre.
MAGSASAKA, AKUSADO NG ILLEGAL POSSESION OF FIREARMS. Si Elpidio Romanca, isang magsasaka mula sa Eastern Samar, ay nahaharap sa usapin matapos mabaril at lubhang masugatan sa isang sagupaan ng mga rebeldeng New People's Army at mga kawal ng Philippine Army noong nakalipas na Nobyembre 2014. Halos naputol ang kanyang kanayng hita sa tama ng bala. Ginamot siya sa Philippine Army Hospital subalit laking gulat niya na may usapin pala siya paglabas ng pagamutan. (Melo M. Acuna)
Idinagdag pa ni Atty. Acosta na sa kalagayan ni Romanca na isang partially blind at may malabong paningin, tila mahirap mapatunayang may kakayahan siyang magpaputok ng baril.
Nabatid na karamihan ng human rights cases na hawak ng Public Attorney's Office ay mula sa iba't ibang human rights groups tulad ng KARAPATAN sa ilalim ng pamumuno ni Marie Hilao Enriquez.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |