|
||||||||
|
||
Walang pagbabago matapos ang EDSA 1986
SINABI ni Prof. Carol Araullo, chairprson ng Bayan na hindi rebolusyon ang naganap sa EDSA may 30 taon na ang nakalilipas sapagkat ang luma at bulok na naghaharing-uri ang nananatili sa posisyon. Tuloy pa rin ang kawalan ng pagkakapantay-pantay sa lipunan, nananatili pa ring nagigipit at naghihirap ang mga mamamayan na sinasabayan pa ng kawalan ng katarungan.
Napabagsak nga ng EDSA ang isang diktador subalit pinalitan ng isang maka-Americanong kontra mamamayan at mga elitistang naghari sa pamahalaan.
Ni hindi man lamang napanagot ang mga Marcos para sa kanilang mga krimen. Na sa kamay pa rin ng mga Marcos ang yamang ninakaw sa mga mamamayan. Lumaki at lumago ang impluwensya sa politika ng mga Marcos palabas sa kanilang nasasakupan sa Ilocos Region na pinaghalinhan nina Gng. Imelda Marcos at dalawang anak sa pagiging gobernador at kongresista. Nahalal pang senador si Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., tatlong taon na ang nakalilipas.
Idinagdag ni Prof. Araullo na tagilid ang inaasahang paghatol ng kasaysayan sa pamahalaang sunod-sunuran sa mga Americano sa pagkandidato ni Senador Bongbong Marcos. Ang kanyang kampanya ay nakatuon sa tuwiran at tahasang pagtanggi sa mga nagawa ng kanyang ama't ina na higit na nagpasama sa pagsasabing naghari ang kapayapaan at nadama ang kaunlaran ng bansa at mamamayan sa ilalim ng batas militar.
Lalong tumabang ang EDSA People Power 1 sapagkat ang sinimulan ni Gng. Cory Aquino ay nawalang halaga sa ilalim ng kanyang anak na si Pangulong Noynoy Aquino.
Hindi man lamang binigyang-halaga ni Pangulong Noynoy Aquino ang repormang agraryo at napawalang halaga pa ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa Hacienda Luisita.
Sa pagsugpo sa katiwalian, hindi nakasama ang kanyang mga kaibigan, kaklase at mga kabarilan. Ginamit ni Pangulong Aquino ang kampanya laban sa katiwalian na naganap noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo subalit nakabuo siya ng sariling pork barrel na ginagamit niya upang magkaroon ng mga susuporta sa kanyang agenda.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |