|
||||||||
|
||
Mga problemang nararapat malutas kaagad, kinilala
PINABULAANAN ng IBON FEATURES ang mga kwentong bayan na higit na maganda ang buhay noong panahon ng batas-militar. Sa isang pahayag, sinabi ng IBON na mnayroong apat na katangian ang liderato ni Pangulong Ferdinand Edralin Marcos at ito ay ang pagkakaroon ng cronies at katiwalian. Ginamit ng pamahalaan ni Marcos ang mga kaibigan upang pakinabangan ang lahat sa kalakal.
Pinangalanan ang mga crony na sina Lucio Tan. Eduardo "Danding" Cojuangco, Juan Ponce Enrile, Henry Disini, Roberto Benedicto at iba pa. Pinamunuan ni Cojuangco ang Philippine Coconut Authority at United Coconut Planters Bank na ang pondo'y ginamit sa pagbili at pag-kontrol ng San Miguel Corporation. Si Disini ang nakababatid ng kasunduan sa Bataan Nuclear Power Plant na kinatampukan ng US$ 80 milyon suhol mula sa Westinghouse. Ang utang ng pamahalaan ay umabot sa US$ 795 milyon na diumano'y pinakinabangan din ni Disini.
Ginamit naman ni Pangulong Aquino ang legislative at presidential pork barrel fund upang mahawakan ang mga politiko. Kahit na may desisyon ang Korte Suprema na nagdeklarang taliwas sa Saligang Batas ang Priority Development Assistance Fund at Disbursement Acceleration Program, nagtamo si Pangulong Aquino ng malaking presidential pork barrel sa 2016 National Budget sa pamamagitan ng lump sums kaya't magagamit ng pangulo ang pondo sa anumang paraang magustuhan niya.
Pinaboran ni G. Aquino ang mayayamang mga kaibigan at mga banyagang mangangalakal sa PPP o Public-Private Paertnership na nagkakahalaga ng P217.4 bilyon na natamo ng Ayala Group, Pangilinan-Salim Group, Henry Sy at Danding Cojuangco. Ang mga banyagang nakinabang ay ang Mirant, Sithe, California Energy ng America, Marubeni at MRTC ng Japan at iba pang ga kumpanya sa United Kingdom at Germany.
Isang patuloy na nagaganap na kalakaran ang Labor Export Policy. Nagsimula ito noong panahon ni Pangulong Marcos bilang pansamantalang tugon sa kakulangan ng hanapbuhay sa Pilipinas at upang mabayaran ang pagkakautang ng Pilipinas sa multi-laterals. Ang Pilipinas lamang ang bumuo ng overseas employment agency na nagpadali sa pagpapa-alis ng mga manggagawa. Noong 1975, umabot sa 36,035 lamang ang umalis ng Pilipinas at umabot sa 372,784 noong 1985.
Ngayon, ayon sa IBON, umaabot na sa 1.8 milyon ang manggagawang nakaalis noong 2014 o 5,021 manggagawa sa bawat araw.
Nagpatuloy na lumago ang utang na panglabas ng Plipinas mula sa US$599 milyon noong 1966 hanggang sa marating ang US$26.4 bilyon noong 1986. Lumago ang utang mula noong 1973 haggang 1982. Ang pinakamalaki ay ang US$2.3 bilyong Bataan Nuclear Power Plant na diumano'y nagkaroon gn overprice na US$ 600 milyon. Ang US$ 3.3 bilyon ay natungo sa Marcos cronies samantalang hanggang sa 33% ng mga utang ang diumano'y naibulsa ng mga Marcos.
Samantala, ang utang ngayon ng Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Aquino ay umabot na sa US$ 76 bilyon.
Nasira ang likas na yaman ng Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Marcos. Ayon sa Ibon, ang timber licensing agreements ay naigawad kina Tomas Alcantara, Jose Yao, Felipe Ysmael, Juan Tuvera at Simeon Ventura maliban sa mga Disini at Enrile.
Sa Green Revolution, gumamit ng mga inorganic fertilizer at pestisidyo na nakapinsala sa lupain at tubigan. Kahit umano may total log ban si Pangulong Aquino, hindi naman nasugpo ang illegal logging, dagdag pa ng IBON.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |