|
||||||||
|
||
Mga pulis at militar, may sapat na mga tauhan para sa halalan
MAY kakayahang tumugon ang mga tauhan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa mga kinikilalang mga maiinit na pook sa darating na halalan.
Sinabi ni Police Chief Inspector Brian Gregorio na mas mababa ang bilang ng mga binabantayang mga lalawigang kadalasang pinag-uugatan ng mga mainitang halalan, particular sa mga lalawigan ng Pangasinan, Masbate, Negros Oriental, Western Samar, Maguindanao at Lanao del Sur.
MAY SAPAT NA TAUHAN ANG AFP AT PNP. Ito ang sinabi ni Brig. General Restituto Padilla ng AFP (gitna) at Police Chief Inspector Bryan Gregorio ng PNP upang matiyak na ligtas ang eleksyon sa Mayo a-nueve. (Melo M. Acuna)
Malaki na ang ibinaba ng mga pook na kasama sa Election Watchlist Areas mula noong 2013. Ipinaliwanag ni Brig. General Restituto Padilla na ang buong mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines ay makikipagtulungan sa mga pulis. Tunay na bumababa ang bilang mga election related incidents.
Ipinaliwanag ni General Padilla na sa pagtutulungan ng mga mamamayan mula sa mga komunidad, tiyak na makakamtan ang kapayapaan tulad ng naganap sa Abra mula noong 2010 hanggang sa noong nakalipas na 2013.
Nagkasundo ang mga mamamayan at mga ahensya ng pamahalaan at maging ng civil society organizations na mahigpit na ipatupad ang batas sa halalan kaya't naiwasan ang mga patayan at paglabag sa batas. Ang ibayong paghahanda ang dahilan ng pagkakaroon ng maayos na halalan, dagdag pa ni General Padilla.
Ayon kay Chief Inspector Gregorio, maaaring mabawasan ang bilang ng mga tauhan ng pulisya na ikakalat sa mga dating magugulong pook sapagkat nagbago na ang situwasyon.
Minamatyagan nila ang kasaysayan ng matinding labanan ng mga politiko, mga magugulong insideteng nag-uugat bago pa man sumapit ang halalan, pagkakaroon ng mga grupong tulad ng Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, mga private armed groups na pinangangalagaan ng mga malalaking pamilya ng mga politiko at pagkalat ng mga sandata.
Sa panig ng Armed Forces of the Philippines, sinabi ni General Padilla na bahalang magdesisyon ang kanilang ground commander kung magdaragdag ng mga tauhang nakadestino sa iba't ibang bahagi ng kapuluan. Sila umano ang nakababatid ng pangangailangan ng kanilang nasasakupan.
Kaya raw may anim na lalawigang pinagtutuunan ng pansin ay sa matagalang record na ng mga ito sa larangan ng mainitang banggaan ng mga angkan. Magpapakalat sila ng mga tauhan sa Maguindanao, sa Lanao del Sur at maging sa Samar dahilan sa mga kaguluhang naganap may dulot ng mga armadong grupo.
Magkakaroon ng panibagong pagsusuri sa larangan ng peace and order bago sumapit ang darating na halalan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |