|
||||||||
|
||
20160701Meloreport.mp3
|
PANGINGISDA NG MGA FILIPINO SA MAY SCARBOROUGH SHOAL, MAGANDANG PANGITAIN. Ipinaliwanag ni Foreign Affairs Secretary Perfecto R. Yasay, Jr. na magandang pangitain ang pagpayag ng mga Tsinong makapangisda ang mga namamalakayang Filipino sa paligid ng Scarborough Shoal. Desisyon lamang umano ito ng Tsina at walang anumang napagkasunduan. Nagbago ang pagtrato ng Tsina sa mga Filipino sa pagwawagi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa nakalipas na halalan. (Melo M. Acuna)
SINABI ni Foreign Affairs Secretary Perfecto R. Yasay, Jr. na trabaho kaagad ang bumungad sa kanya sa pagpasok sa Department of Foreign Affairs. Sa kanyang unang pagharap sa mga mamamahayag, sinabi ni G. Yasay na natutuwa siya sa maayos na pagsasalin ng poder sa kagawaran at nakausap na niya si dating Secretary Jose Rene Almendras at mga undersecretary na makakasama niya sa paglilingkod.
Inatasan sila ni Pangulong Duterte na pag-ibayuhin ang pagsusulong ng mga programa upang higit na mapalapit ang Pilipinas sa iba't ibang bansa at mapaglingkuran ang mga Filipino na naninirahan sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
Kabilang sa kanilang pinaghahandaan ang pagiging chair ng Association of Southeast Asian Nations sa pagdiriwang ng ika-limampung anibersaryo ng pagkakatatag sa susunod na taon.
Para kay Secretary Yasay, magandang pangitain ang pagpapahintulot ng mga Tsino na makapangisda ang mga Filipino sa paligid ng Scarborough Shoal. Bagama't walang anumang napagkasunduan, nagpapakita lamang umano ito ng pagbabago ng klima sa Tsina tungo sa pamahalaan ni Pangulong Duterte.
Bagama't sinabi ng Permanent Court of Arbitration na maglalabas sila ng desisyon sa darating na Martes, ika-12 ng Hulyo, ipinaliwanag ni Secretary Yasay na anuman ang kalabasan nito ay igagalang ng Pilipinas.
Nasasaad rin sa Saligang Batas na ang anumang 'di pakikipag-unawaan sa ibang bansa ay malulutas sa pamamagitan ng kahinahunan sapagkat walang ibang paraan kungdi ang pakikipag-usap sa kabilang panig.
Mananatili rin nilagdaang kasunduan ng Pilipinas tulad ng Enhanced Defence Cooperation Agreement sa Estados Unidos sampu ng iba pang mga mahalagang dokumento.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |