|
||||||||
|
||
20160112Meloreport.m4a
|
LEGAL ang pinasok na kasunduan ng Pilipinas at Estados Unidos na kilala sa pangalang Enhanced Defense Cooperation Agreement base sa desisyon na 10-4, na akda ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Ayon sa desisyon, isa itong executive agreement at hindi isang tratado.
Nagbigay ng kanilang dissenting opinion sina Associate Justices Teresita Leonardo de Castro, Arturo Brion, Marvic Leonen at Estela Perlas Bernabe. Hindi lumahok sa desisyon si Associate Justice Francis Jardelesa.
Kabilang sa mga nagpetisyon sina dating Senador Rene Saguisag at Wiberto Tanada at mga mambabatas na sina Neri Colmenares at Carlos Zarate ng Bayan Muna.
Noon pang ika-10 ng Nobyembre inaasahan ang desisyon subalit itinakda noong ika-16 ng Nobyembre. Naitakdang muli ngayong Martes, ika-12 sa buwan ng Enero.
Ang EDCA na mayroong takdang panahong sampung taon ay nilagdaan noong ika-28 ng Abril ng 2015 ilang oras bago dumating si American President Barack Obama sa kanyang pagdalaw sa apat na bansa sa Asia.
Ayon sa mga nagpetisyon, lumabag ang pamahalaan sa ilang probisyon ng Saligang Batas, kabilang ang pagbabawal sa mga banyagang kampo ng mga kawal ng walang pagsang-ayon ng Senado ng Pilipinas.
Nangangamba ang mga nagpetisyon na maaaring maging daan ito upang mag-imbak ang mga Americano ng sandatang nukleyar sa bansa na labag sa Saligang batas.
Kabilang sa mga pinangalanang respondent sina Executive Secretary Paquito Ochoa, Defense Secretary Voltaire Gazmin, Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, Budget Secretary Florencio Abad, dating AFP Chief of Staff General Emmanuel Bautista, Defense Undersecretary Pio Lorenzo Batino, Ambassador Eduardo Malaya, Ambassador Lourdes Yparraguirre, Justice Undersecretary Francisco baraan III at Defense Assistant Secretary for Strategic Assessments Raymund Jose Quilop.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |