|
||||||||
|
||
Pamahalaan, handang tumugon sa mga napinsala ng bagyo
NAG-ULAT si Administrator Ricardo Jalad, isang retiradong heneral at ngayo'y pinuno ng Office of Civil Defense at Executive Director ng National Disaster Risk Reducton and Management Council sa pinsalang idinulot ng bagyo.
Sa isang briefing sa Malacanang, sinabi ni Administrator Jalad na pinaghandaan ng pamahalaan ang pagdating ng bagyong "Karen" na mayroong international name na "Sarika" noon pang Huwebes, ika-13 ng Oktubre noong ito's isang Low Pressure Area pa lamang hanggang sa lumakas at naging ganap na bagyo.
Tumama sa Baler, Aurora ang bagyo kahapon ng umaga at kaninang umaga'y nasa South China Sea at tuluyang lumabas na sa Philippine Area of Responsibility.
Nagkaroon ng tinatawag na preemptive evacuation sa ilang pook sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon at maging sa Bicol Region. Bago sumapit ang bagyo ay nailikas na ang may 8,000 pamilya. Ngayon ay mayroong 5,077 pamilya ang naninirahan sa evacuation centers.
Ibinalita ng pamahalaan na may tatlo kataong nasawi at limang iba pang nawawala subalit ginagawa pa ang kaukulang validation kung ano ang ikinasawi ng mga biktima at ang kinahinatnan ng mga deklaradong nawawala.
Dalawang pampasaherong bangka ang lumubog subalit nailigtas ang lahat ng pasahero at tripulante sa Catbalogan City. May tatlong insidente ng stranded mountaineers na binubuo ng 128 katao. Natagpuan silang ligtas at nadala na sa pinakamalapit na bayan.
May halos isang libong mga tahanang napinsala sa Ilocos, Cagayan at Cordillera Regions. Ginagawa pa ng pamahalaan ang pagsusuri sa pinsalang natamo sa mga pananim sa pamamagitan ng Department of Agriculture.
Naghahanda na naman ang Office of Civil Defense sapagkat napipinto na namang pumasok ang isang bagong bagyo sa Philippine Area of Responsibility. Papangalanan itong "Lawin" sa oras na lumapit sa nasasakupan ng Pilipinas, dagdag pa ni Administrator Jalad.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |