Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Korte Suprema, pumabor sa paglilibing sa dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani

(GMT+08:00) 2016-11-08 17:35:34       CRI

Korte Suprema, pumabor sa paglilibing sa dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani

MATUTULOY na ang inaasam-asam ng mga Marcos na mailibing ang kanilang patron, ang dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa desisyon ng Korte Suprema na nagpawalang-saysay sa magkakasanib na petisyon ng mga biktima ng Batas Militar.

Ayon kay Atty. Theodore Te, tagapagsalita ng Korte Suprema, sa botong siyam laban sa lima, pinawalang saysay ang mga argumento ng mga kontra sa paglilibing sa dating diktador sa Libingan ng mga Bayani.

Sumangayon sa paglilibing sa Libingan ng mga Bayani sina Associate Justice Presbitero Velasco, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Arturo Brion, Mariano del Castillo, Jose Perez, Jose Mendoza, Teresita Leonardo de Castro at Estela Perlas-Bernabe.

Kontra naman sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justices Marvic Leonen at Benjamin Caguioa.

Hindi lumahok sa botohan si Associate Justice Bienvenido Reyes, isang kapatid sa fraternity ni Pangulong Rodrigo Duterte sa San Beda College of Law sapagkat malapit siya sa isa sa mga panig sa usapin.

Wala umanong pag-abusong nagawa si Pangulong Duterte sa pagsusulong ng paglilibing sa dating pangulo sapagkat saklaw ito ng kanyang obligasyon sa Saligang Batas na tiyaking maipatupad ang mga nilalaman at itinatadhana ng batas.

Wala rin umanong batas na nagbabawal ng paglilipat ng labi ng yumaong diktador patungo sa Libingan ng mga Bayani at hindi saklaw ng kasunduan ng Pamilya Marcos at noo'y Pangulong Fidel V. Ramos na ilibing ang labi sa Batac, Ilocos Norte.

Malaya umano ang pangulong susugan, pawalang-saysay o talikdan ang mga kasunduang politikal na pinasok ng mga nauna sa kanya ayon sa pagsusuri ng kasalukuyang pangulo ng bansa.

Ayon sa Korte Suprema, sa ilalim ng Administrative Code, may poder ang pangulong maglaan ng lupang pag-aari ng pamahalaan upang magamit ng publiko at para sa tinaguriang specific public purposes.

Ang paglalaan ng salapi ng bayan ay angkop lamang upang mabayaran man lamang ang mahalagang kontribusyon ng dating pangulo sa bansa.

Sinabi pa ng desisyon na layunin ng pangulong maghilom na ang mga sugat na nakamtan noong nakalipas na mga dekada.

Si Associate Justice Diosdado Peralta ang may akda ng desisyon.

Nagpasalamat naman ang kanyang anak na lalaki, ang natalong bise-presidente na si Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. sa Korte Suprema sa pagkilala sa batas at kay Pangulong Duterte.

Sa kanyang pahayag na inilabas sa mga mamamahayag, sinabi ng dating senador na umaasa siyang matutuldukan na ang mga 'di pagkakaunawaan at maghihilom na ang mga sugat ng nakalipas na mga dekada.

Sinabi naman ni Albay Congressman Edcel C. Lagman na magkakaroon pa ng motion for reconsideration upang mabaliktad ang desisyon ng mayoryang mahistrado. Naniniwala si Pangulong Duterte na marapat lamang ilibing ang dating pangulo sa Libingan ng mga Bayani sapagkat dati siyang kawal at pangulo ng bansa.

Sinabi pa rin ng mga nagpetisyon na ang mga namayapang taong magiging inspirasyon at mabubuting halimbawa sa lipunan ang marapat na malibing sa Libingan ng mga Bayani.

Pumanaw ang dating diktador sa Hawaii noong 1989 at naiuwi lamang ang bangkay sa Ilocos Norte noong Setyembre 1993.

1 2 3
May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>