|
||||||||
|
||
NANINDIGAN si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na marapat mawala ang mga banyagang kawal sa Pilipinas at pawawalang-saysay ang mga kasunduan kung kinakailangan upang makamtan ang kanyang layunin.
Sa kanyang pagharap sa mga mangangalakal sa Japan kanina, sinabi ni Pangulong Duterte ang kanyang mga hinanakit sa Estados Unidos sa pagpuna sa kanyang ginagawa sa paglaban sa illegal drugs. Ipinaliwanag din niya ang dahilan kung bakit nais niyang lumayo sa America.
Ipinaliwanag niyang upang magkaroon ng independent foreign policy, kailangang mawala ang mga banyagang kawal sa Pilipinas. Sa kanyang talumpati sa Philippine Economic Forum sa Tokyo, sinabi niyang nais niyang mawala na ang mga ito at kung kailangang baguhin ang nilalaman ng kasunduan o executive agreements. Pinatutungkulan niya ang Enhanced Defense Cooperation Agreement na nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos.
Mabubuhay umano ang Pilipinas ng walang mga kawal na Americano sa bansa, dagdag pa ng pangulo. Ang katatapos na war games sa pagitan ng Pilipinas at mga Americano ang magiging huli na sa kasaysayan ng bansa.
Mayaman umano ang America at nakatulong na rin sa Pilipinas sa nakalipas na 50 taon. Nagkataon nga lamang na sinakop ng America ang Pilipinas sa loob ng 50 taon.
May dignidad umano ang mga Filipino, dagdag pa ni Pangulong Duterte.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |