|
||||||||
|
||
20161110ditorhio.m4a
|
Beijing – Ipinalabas, Nobyembre 7, 2016 sa School of Foreign Languages ng Peking University ang pelikulang Pilipinong pinamagtaang ""Bamboo Flowers."
Sa kanyang pambungad na talumpati, pinasalamatan ni Elizabeth T. Te, Charge d' Affaires (CDA) ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijng, si Wu Jiewei, Direktor ng Institute of Southeast Asian Studies ng Peking University at School of Foreign Languages ng nasabing unibersidad sa kanilang suporta at tulong sa pag-o-organisa ng palabas.
Sa hiwalay at eksklusibong panayam sa Serbisyo Filipino, sinabi ni Te na ang pagpapalabas ng "Bamboo Flowers" ay isa sa mga aktibidad ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing upang mapalakas ang kultural na pagpapalitan at mutuwal na pagkakaunawaan ng mga mamamayang Pilipino at Tsino.
"Ito iyong isa sa mga paraan natin para mas maunawaan ng mga kaibigan nating Tsino ang kultura ng Pilipinas," aniya.
Dagdag ni Te, ang Pilipinas ay hindi lang isang kapit-bansa ng Tsina, kundi ito rin ay puwedeng maging partner ng Tsina sa maraming larangang gaya ng negosyo, edukasyon, at marami pang iba.
Ani Te, kapag naiintindihan ng mga Tsino ang kulturang Pilipino, mas magkakaroon ng mutuwal na pagkakaunawaan, na magbubunsod sa mas matibay pagkakaibigan ng dalawang mamamayan.
Sinabi pa niyang, maganda ang mensahe ng "Bamboo Flowers," dahil ipinakikita nito ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng bawat isa sa lipunan at buhay ng ibang tao.
Sa parehong okasyon, sinabi naman ni Kaye Aldo, 2nd Secretary ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing na ang pelikulang Bamboo Flowers ay ipinrodyus ng Film Development Council noong 2013 at naipalabas na sa maraming bansang, tulad ng Argentina, Amerika, Myanmar, Czech Republic, sa mga film screening ng ASEAN Film Festival, at marami pang iba.
Sa Tsina, ipinalabas na ang Bamboo Flowers sa lunsod ng Xiamen, Fujian province, sa Nanyang Culture Festival noong Abril ng taong ito, at lunsod ng Xian, Shaanxi province sa Silk Road International Film Festival.
"Sa pamamagitan ng pelikulang ito, iyong ating mga kaibigang dayuhan, mas maiintindihan nila ang kulturang Pilipino," aniya pa.
Ang pelikulang Bamboo Flowers ay idinerehe ni Maryo J. Delos Reyes at isinasaad nito ang buhay ng mga tao sa Bohol.
Ang mga bulaklak ng kawayan ay hugis chandelier na mga dahon, na makikita lamang kapag ang kawayan ay nasa huling yugto na ng kanyang buhay.
Ang paradox na ito ay makikita sa buhay ng mga tao sa Bohol kung saan, ang makalumang tradisyon ay maaring unti-unti nang mawala dahil sa pagbabago ng panahon at kagawian.
Pagbuti ng relasyong Sino-Pilipino bunsod ng pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte
Ipinahayag ni CDA Te, na isa sa mga pakay ng pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Tsina noong Oktubre 18 hanggang 21, 2016 ay magbukas ng mga pinto para mas lalong makilala ng mga Tsino ang kultura at pagkatao ng mga Pilipino.
Bukod pa sa pagpapalabas ng pelikula, sinabi rin ng Pilipinong CDA na noong nakaraang linggo lamang ay nagkaroon din ng pagpapalitan ang Pilipinas at Tsina sa larangan naman ng Table Tennis.
Nagpunta aniya sa Beijing ang 28-member na delegasyon ng Pilipinas, sa pamumuno ni Stephen Techico, Vice President ng Federation of Filipino-Chinese Associations of the Philippines (FFCAP) upang matuto at makipagpalitan sa kanilang mga counterpart na Tsino.
Sa pagkakataong iyon, nagkaroon pa aniya ng pagpirma ng Memorandum of Understanding (MOU) hinggil sa pagpapalitang pampalakasan sa pagitan ng Beijing Capital University of Physical Education at counterpart organization ng Pilipinas ni kinakatawan ni Ginoong Techico sa larangan ng Table Tennis at Wushu.
Sinabi pa ng butihing Pilipinong CDA na ayon kay Techico, posibleng pumunta sa Beijing ang mga kinatawan ng Philippine Sports Commission upang makipagpalitan sa kanilang mga counterpart na Tsino at palakasin ang relasyon ng dalawang bansa sa palakasan at kultura.
Ang pagpunta aniya ni Pangulong Duterte sa Tsina ay talagang nagbukas ng maraming oportunidad ng pagpapalitan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa mga larangang gaya ng foreign affairs, economic at trade, agrikultura, siyensiya at teknolohiya, depensa, paglaban sa droga at marami pang iba.
Wu Jiewei, Ph.D (Direktor ng Institute of Southeast Asian Studies ng Peking University habang nagtatalumpati
Philippine Charge d' AffairesElizabeth T. Te
Philippine Charge d' AffairesElizabeth T. Te, habang kinakapanayam ni Rhio Zablan ng SerbisyoFiipino
Ang pelikulang BambooFlowers
Mga Pilipino at Tsinong dumalo sapalabas
Philippine Charge d' Affaires Elizabeth T. Te (kanan) at Wu Jiewei, Ph.D (kaliwa) habang pinapanood ang pelikulang Bamboo Flowers
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |