|
||||||||
|
||
Krimen, bumababa sa nakalipas na ilang buwan
KRIMEN SA PILIPINAS, NABAWASAN. Ito naman ang sinabi ni Sr. Supt. Celso Bael, ang nangangasiwa sa Intelligence Research Center ng Directorate for Intelligence. Bagaman, kumikilos din sila upang masugpo ang problemang dulot ng Abu Sayyaf na patuloy na kumikita sa kanilang kidnap-for-ransom activities sa Mindanao at maging sa Malaysia-Indonesia-Philippines tri-boundary. (Melo M. Acuna)
SINABI ni Police Sr. Supt. Celso Bael, ang nangangasiwa sa Intelligence Research Center ng Directorate for Intelligence ng Philippine National Police na sa pangkalahatan ay bumababa ang krimen sa bansa.
Sa isang briefing na ibinigay sa Tapatan sa Aristocrat, nagparamdam ang Abu Sayyaf sa pamamagitan ng 46 na violent incidents mula Enero hanggang Hunyo ng 2016 samantalang ang kanilang kidnap for ransom activities ang nangungunang pinagkukunan ng pondo.
Nasangkot ang Abu Sayyaf sa 14 na kidnap for ransom activities mula Enero hanggang noong ika-walo ng Nobyembre. Nagkaroon ng 33 biktima na binubuo ng 24 na banyaga o siyam na Malaysian nationals, 13 mga Indones, 1 Koreano, isang Aleman at siyam ng Filipino.
Sa 16 na biktimang hawak pa nila, may isang Dutch national, limang Malaysians, apat na Indones, isang Aleman, isang Koreano at apat na Filipino.
Noong nakalipas na Linggo, ika-anim ng Nobyembre, dinukot ng Abu Sayyaf si Juegen Kantner sa isang pribadong yate sa may Tanjong Luuk, Pisuk, Sabah. Noong nakalipas na Oktubre a-veinte, nadukot din sina Park Chulhong na isang Koreano at isang Glen Aledajao na isang Filipino mula sa isang barkong Koreano sa karagatan ng Tawi-Tawi.
Si Isnilon Hapilon ang nangunguna sa mga Abu Sayyaf sa Basilan samantalang isang Radulan Sahiron ang namumuno sa Sulu.
Samantala, sinabi pa ni Sr. Supt. Bael na may tanggapan ang pulisyang nangangalaga sa mga panauhin ng bansa. Bukod sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga panauhing Filipino at banyaga, kailangang matiyak na ligtas ang kanilang patutunguhan.
Mula noong Agosto ng taong ito, may 36 na kasapi ng Abu Sayyaf ang napapaslang ng pamahalaan. Nadakip na rin ang isang Mohammad Amin alias Asman/Akman Amin na isang dalubhasa sa paggawa ng bomba.
Ani Sr. Supt. Bael, ligtas ang mga turistang dumalaw sa iba't ibang bahagi ng bansa sapagkat may mga tauhan ang pulisya sa buong kapuluan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |