Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

(Special Edition) Dating Pangulong Marcos, nailibing na sa Libingan ng mga Bayani

(GMT+08:00) 2016-11-18 16:24:11       CRI

 Special Edition

Dating Pangulong Marcos, nailibing na sa Libingan ng mga Bayani

NAIHATID na at nailibing na sa Libingan ng mga Bayani ang labi ni dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos na yumao noong 1989 sa Hawaii, Estados Unidos.

Naganap ang libing mga ikalabing-dalawa ng tanghali kanina matapos dalhin ang labi mula sa Laoag, Ilocos Norte kaninang umaga, ilang oras matapos umanong magdesisyon ang mga Marcos na gawin na ang libing.

Dumating ang labi sa Libingan ng mga Bayani ganap na ikalabing-isa't kalahati ng umaga at ginawa ang libing bago ng nagtanghaling tapat. Kaninang umaga, sinabi ni Chief Supt. Oscar Albayalde, National Capital Region Police director na magaganap nga ang libing ngayong Biyernes.

Nag-usap na umano sila ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos kagabi at nasabihan hinggil sa desisyon ng pamilya.

Sinabi ni Col. Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines na iginagalang nila ang desisyon ng pamilya na maging simple at pribado ang libing.

Makikita sa mga larawan ang mga anak ng yumaong dating pangulo na naglalakad kasunod ng sasakyang naglululan ng labi. Nabalot din ng bandila ng Pilipinas ang kabaong na inangkat pa sa Estados Unidos ng pamilya Marcos.

Samantala, ikinagulat ng maraming tumututol sa paglilibing ang desisyon. Kumalat sa social media ang mga batikos at pagsasabing tulad rin ng deklarasyon ng Batas Militar noong 1972 ang desisyong ilibing ang labi ng dating pangulo kaagad-agad ay isang surpresa.

Kinondena ng mga aktibista ang paglilibing samantalang mayroong petisyon sa Korte Suprema para sa status quo ante na nangangahulugang wala munang libing na magaganap. Subalit hindi naman nagdesisyon ang Korte Suprema sa petisyon nina dating Congressman Neri Colmenares.

Suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalibing sa dating pangulo tulad ng kanyang mga nasabi noong nangangampanya pa siya sa panguluhan. Naganap ang libing sampung araw matapos pawalang-saysay ng Korte Suprema ang pinag-isang petisyon na pumipigil sa libing sa pagkakaroon ng botong 9-5-1.

Ayon sa mayorya sa Korte Suprema, walang batas na nagbabawal sa pagpapalibing sa dating pangulo kahit pa may mga isyu ng paglabag sa Karapatang Pangtao at katiwalian noong kanyang kapanahunan.

Samantala, sinabi ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na batid ni Pangulong Duterte ang pagpapalibing ngayong araw na ito.

Naunang sinabi ni G. Duterte na walang makapipigil sa pagpapalibing sa dating pangulo sa Libingan ng mga Bayani matapos magdesisyon ang Korte Suprema. Ginawaran din ng 21-gun salute ang dating pangulo samantalang ibinabaon ang kanyang labi sa lupa sa Libingan ng mga Bayani. Nagkaroon din ng pagpapa-ulan ng mga bulaklak mula sa mga helicopter ng Armed Forces of the Philippines.

Nagpasalamat naman si Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa Korte Suprema, kay Pangulong Duterte at sa mga sumusuporta sa kanila.

Sa panayam, sinabi ni Brig. General Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines na kahapon lang ng hapon nagkaroon ng koordinasyon sa pagitan ng mga Marcos at ng kanilang tanggapan. May mga nauna nang pag-uusap sa pagitan ng Philippine Army at ng pamilya Marcos. Ang Philippine Army ang nangangasiwa sa Libingan ng mga Bayani.

Sa iba't ibang bahagi ng Kamaynilaan, nagkaroon ng dagliang pagpoprotesta ang mga kontra sa libing sa kinikilalang diktador. Lumabas ang mga mag-aaral sa University of the Philippines, Ateneo de Manila University, Philippine Normal University, Technological University of the Philippines, Lyceum of the Philippines, University of the Philippines-Manila at iba't ibang mga samahan.

Kaninang ika-apat at kalahati ng hapon, naipon ang mga nagpoprotesta sa University of the Philippines – Diliman at sumigaw na hindi bayani si Marcos. Itinuloy din nila ang pagkilos sa Katipunan Avenue sa Quezon City.

Natuloy ang libing sapagkat walang anumang pagbabawal mula sa Korte Suprema. Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Theodore Te, tagapagsalita ng Korte Suprema, pinawalang-saysay ang pinagsanib na petisyon.

Sa pangyayaring ito, nawala na rin ang status quo ante order ng hukuman.

Idinagdag ni Atty. Te, kahit pa mayroong motion for reconsideration, ang legal status ay walang kautusang pumipigil sa paglilibing ngayon.

Hindi pa kumikilos ang Korte Suprema sa panibagong petisyon.

Nabanggit ng mga nagpetisyon tulad nina Congressman Edcel C. Lagman, ang grupo ni dating Congressman Neri Colmenares at Satur Ocampo at ang grupo ni dating CHR chair Loretta Ann Rosales na hihiling sila sa Korte Suprema na panagutin ang mga may kinalaman sa naganap na libing.

LIBING NG DATING PANGULONG MARCOS, NAGANAP NA. Pinamunuan ng isang pari ang libing ni dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani kaninang magtatahalian. Naging pribado ang libing at 'di pinayagang makapasok ang mga mamamayan at mamamahayag. (Philippine Army Photo)

MGA SUPLING NG DATING PANGULO, NAGLAKAD PATUNGO SA LIBINGAN. Makikita sina dating Senador Ferdinand Marcos, Jr., Irene Marcos Araneta at Ilocos Norte Governor Imee Marcos na naglalakad sa likod ng labi ng kanilang ama. Na sa wheelchair sina Fortuna Marcos Barba, bunsong kapatid ni G. Marcos at Imelda Roimualdez Marcos na nakasuot ng damit na itim. (Philippine Army Photo)

MGA MALALAPIT NA KAMAG-ANAK LAMANG ANG DUMALO SA LIBING. Makikita sa larawan ang mga pinakamalalapit na kamag-anak ng mga Marcos ang nakadalo sa libing. (Philippine Army Photo)

MGA HENERAL ANG NAGDALA NG LABI. Matapos buhatin ng mga opisyal na nakasuot ng fatigue uniforms ang labi ng dating pangulo, mga Heneral naman ng Armed Forces of the Philippines na naka-puting uniporme ang naging pallbearer. Ito ay bahagi ng tradisyong militar. (Philippine Army Photo)

INIHAHATID NA SA HULING HANTUNGAN ANG LABI NI G. MARCOS. Kasabay ng 21 gun-salute, tinitiklop na rin ang bandila ng Pilipinas na bumalot sa kabaong ng dating pangulo. Titiklupin ito ang ibibigay ng pinakamataas ang ranggong militar sa nabalo ng dating pangulo. (Philippine Army Photo)

 

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>