|
||||||||
|
||
Inflation sa bansa, tumaas ng bahagya
NAGKAROON ng bahagyang pagtaas ang inflation noong nakalipas na Disyembre at umabot sa 2.6% mula sa 2.5% noong Nobyembre kaya't umabot ang inflation sa buong 2016 sa 1.8%.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia, ang pagtaas ng inflation ay dahil sa pagtaas ng presyo dala ng kapaskuhan at kakulangan ng ilang mga uri ng pagkain.
Ang full-year inflation na 1.8% ay mas mababa sa itinaya ng pamahalaang 2.0 hanggang 4.0% para sa buong taon subalit mas mataas sa 1.4% na naitala noong nakalipas na 2015.
Ang food inflation para sa buwan ng Disyembre 2016 ay tumaas sa 3.7% mula sa 3.5% noong Nobyembre at mas mataas kaysa 1.8% kung ihahambing sa parehong buwan noong 2015. Tumaas ang presyo ng tinapay at cereals at nakamtan ang 1.6% mula sa 1.5%, isda mula sa 5.5% mula sa 4.7% at karne na 1.8% mula sa 1.5% ang naitala ng pamahalaan.
Ang non-food inflation para sa buwan ng Disyembre ay itinulak pataas ng transport kaya't umabot sa 1.9% mula sa 0.5% noong Nobyembre, ang recreation and culture naman ay umabot sa 1.7% mula sa 1.6% noong Nobyembre. Ang mas mabilis na pagtaas ng transport costs ay dahilan sa pagtaas ng presyo ng gasolina tulad ng unleaded na umabot sa 10.0% mula sa 3.98% at diesel na umabot sa 16.04% mula sa 7.41%.
Ipinaliwanag ni Secretary Pernia na ang pagtaas ng transport commodity ay dahil sa pagtaaas ng presyo mula sa mga bansang naglalabas ng petrolyo matapos mapagkasunduang magbawas ng produksyon ng may 1.8 milyong bariles ng petrolyo bawat araw.
Tumaas din ang core inflation na hindi kinasasamahan ng volatile food and at energy prices na tumaas at nakamtan ang 2.5% noong Disymbre mula sa 2.4% sa nakalipas na buwan. Ang buong inflation level sa taong 2016 ay nagkaroon ng average na 1.9% at mas mababa sa naitakdang 2.0% noong 2015.
Mula ngayon hanggang sa susunod na taon, umaasa ang pamahalaan na ang inflation ay maglalaro sa 2.0 hanggang 4.0% dulot na rin ng pagtaas ng presyo sa kuryente.
Sa likod ng mga datos na ito, naniniwala pa si Secretary Pernia na mananatiling matatag ang ekonomiya ng Pilipinas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |