|
||||||||
|
||
Paghahanda sa seguridad, tiniyak
MAY kaukulang paghahanda ang pulisya para sa darating na Kapistahan ng Itim na Nazareno sa Lunes, ika-siyam sa buwan ng Enero. Ito ang sinabi ni National Capital Region Director Chief Supt. Oscar Albayalde sa isang press briefing kanina hinggil sa paghahanda sa isang malawakang prusisyon na nilalahukan ng higit sa isang milyong deboto.
Naka-alerto na ang mga tauhan ng pulisya upang maiwasan ang posibleng paghihiganti ng mga grupong mula sa Mindanao sa maigting na operasyong ipinatutulad ng pamahalaan.
Nakataas ang security alert sa Metro Manila upang mag-ingat sa anumang posibleng gawing paghihiganti mula sa mga armadong grupo. Partikular na binabantayan ng pamahalaan ang mga malalaking okasyon.
Karaniwang target ng mga masasamang-loob ang Metro Manila sapagkat ito ang luklukan ng pamahalaan. May nakuhang improvised explosive device malapit sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila noong Nobyembre. Nagkaroon na rin ng pambobomba noong Araw ni Rizal noong taong 2000.
Dalawang pagsabog na ikinasugat ng 32 katao ang naganap sa Leyte noong nakalipas na Disyembre. May 15 taong nasawi samantalang maraming sugatan sa pagsabog sa isang night market sa Davao City kamakailan.
Wala pa namang natatanggap na intelligence information hinggil sa peligro o banta sa okasyon.
Batid umano ng pulisya ang panganib dahil sa tuloy-tuloy na pananalakay ng mga kawal ng pamahalaan laban sa mga armadong grupo. Sa pagkakatagpo ng mga improvised explosive devices sa National Capital Region, hindi basta mababale-wala ang posibilidad na may magtangkang manggulo.
Naunang sinabi ng Armed Forces of the Philippines na walang makagagamit ng mobile phones sapagkat magkakaroon ng jammers samantalang ipagbabawal ang paggamit ng drones samantalang may prusisyon. Bawal na rin sa mga deboto na gumamit ng backpacks.
Higit sa 4,000 pulis ang ikakalat sa Quiapo area para sa prusisyon bilang dagdag sa 650 kataong kawal mula sa Quezon City.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |