|
||||||||
|
||
20170126 Melo Acuna
|
UMABOT sa 6.6% ang kaunlarang nakamtan ng Pilipinas sa huling tatlong buwan ng taong 2016. Naganap ito sa pagkakaroon ng mas mataas na investments at paggastOs kaya't nananatiling matatag ang ekonomiya ng bansa. Kahit mas mababa ito sa 7.0% growth na naitala noong ikatlong quarter ng 2016, mas mataas ito kaysa 6.3% nakamtang kaunlaran noong huling tatlong buwan ng 2015.
Ang kaularan sa huling tatlong buwan ng election year ay karaniwang mabagaL kaysa unang bahagi dahil sa transition government at paghihintay at pagmamasid ng mga negosyante.
MATATAG ANG EKONOMIYA NG PILIPINAS. Ito ang ibinalita ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia sa isang media briefing kanina. Ibinalita rin niyang masigla ang turismo sapagkat sa Tsina pa lamang, mula sa 400 visa ang napuproseso bawat araw, ngayon ay 1.400 na. (NEDA Photo)
Sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia na sa buong taon ay nakamtan ng Pilipinas ang 6.8% growth at nasa loob ng unang pagtatayang 6.0 hanggang 7.0% para sa buong 2016. Ito rin ang pagpapatuloy ng pitong taong average ng real GDP growth rate sa 6.3%, ang pinakamataas mula noong 1978.
Posibleng pangatlo o pang-apat ang Pxilipinas sa Asian emerging economy matapos makamtan ng Tsina ang 6.8% at Vietnam na nagkaroon ng 6.7%. Sa buong taon, Pilipinas ang pangalawa sa Tsina sapagkat nakamtan nila ang 6.7% samantalang 6.2% naman ang taunang kaunlaran sa Vietnam.
Ang malakas na paggasta sa investment at consumption ang nagpasigla ng kaunlaran sa fourth quarter.
Sa isang press briefing, sinabi ni G. Pernia na ang investments ay lumago ng 15%. Ang public investment sa infrastructure ay nanatiling matatag sa paglago nito ng 23%, mas mabilis sa 20.1% growth sa ikatlong quarter. Ang private spending ay umabot sa 6.3% sa ikatlong tatlong buwan ng taong 2016.
Masigla pa rin ang IT-BPM sector, dagdag pa ng opisyal.
Ang exports ng Pilipinas ay lumago ng 9.6% sa fourth quarter mula sa 7.8% kaysa nakalipas na quarter. Lumago rin ang imports sa 18.6%. Umunlad ang services sa 7.4% at ang industriya ay lumago rin ng 7.6%, Ang agricultural growth ay naudlot dahil sa mga bagyong "Karen" at "Lawin" sa huling tatlong buwan ng 2016.
Ipinaliwanag pa ni G. Pernia na ang industry sector ay nanatiling maganda sa pangako ng pamahalaang makapapasa ang critical infrastructure projects. Naniniwala rin siya na posibleng makamtan ng bansa ang 6.5% hanggang 7.5% ang ekonomiya sa taong 2017.
Sa likod ng mga tagumpay na ito, nahaharap ang Pilipinas sa malaking hamong dulot ng pagbabago sa klima tulad ng El Nino lalo pa't madalas dumalaw ang mga bagyo sa bansa. Umaasa si G. Pernia na makatutugon sa hamon ang sektor ng pagsasaka subalit bumagsak ang produksyon ng fisheries sa nakalipas na pitong sunod na taon, maliban na lamang noong 2013.
Ibinalita rin ni Secretary Pernia na masigla ang Turismo sapagkat sa Tsina pa lamang, kung noong mga nakalipas na taon ay 400 visa application ang kanilang napuproseso ngayon ay umaabot na sa 1,400.
Sa sumunod na press conference, sinabi ni Secretary Pernia na nakalulungkot ang naganap sa negosyanteng Koreano sa loob ng Kampo Crame. Isang batik sa imahen ng Pilipinas ang pangyayaring ito tulad rin ng pagpaslang sa isang Bumbay sa Legazpi City kamakailan. Idinagdag pa niya ang kanyang pag-asang panandalian lamang ang magiging epekto nito sa pangkalahatang business climate ng bansa.
Itinuwid rin ni Secretary Pernia na naglaan ang Tsina ng US$ 3.44 bilyon para sa tatlong proyekto sa Pilipinas. Ang mga proyektong ito ay inirekomenda ng pamahalaan ng Pilipinas sa Tsina upang kanilang tustusan.
Sa tatlong nairekomenda, dalawa ang magiging prayoridad.
Idinagdag pa ni G. Pernia na lubhang nakalulungkot ang naganap na pagpatay sa isang Koreanong negosyante sa loob ng Campo Crame sa kamay pa ng mga pulis. Angkop lamang ang naging pahayag ng pagkabahala ng Korean Chamber of Commerce Philippines sa naganap. Umaasa siyang hindi magtatagal ang negatibong epekto nito sa business climate ng bansa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |