|
||||||||
|
||
20170118melo.mp3
|
Mga opisyal ng pamahalaan, inanyayahang makiisa
WALANG BAYAD ANG REHAB. SInabi ni Undersecretary John Castriciones ng DILG na ang mga magpapagamot sa mega-drug rehab facility na itinayo ng isang Tsinong pilantropo ay walang bayad. Kakayahin ng rehab facility na magpagaling ng may 10,000 drug dependents. (Melo M. Acuna)
IBINUNYAG ni Interior and Local Government Undersecretary John Castriciones na mayroong 56 na mga opisyal ng pamahalaang-lokal nahaharap sa imbestigasyon sa pagkakasangkot sa industriya ng ilegal na droga.
Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido, sinabi ni Undersecretary Castriciones na napadalhan na nila ng liham ang mga kinauukulan at may 26 sa kanilang ang sumagot at nagsabing handa silang makiisa sa imbestigasyon.
Niliwanag pa niya na kailangang magkaroon ng nilagdaang waiver ang mga opisyal ng pamahalaang lokal upang mabuksan ang kanilang mga bank record at business transactions at mamili ng kanilang mga abogado upang makagawa ng kanilang pormal na salaysay.
Halos kalahati ang hindi pa nakasasagot sa kanilang mga liham. May dalawa o tatlo na ang namayapa.
Niliwanag din niyang may mga prosesong sinusunod ang pulisya sa kanilang pagpapatupad ng Oplan Tokhang, na nangangahulugan ng pagkatok sa mga tahanan at pakikiusap ng mga pulis at barangay officials na magtungo sa himpilan ng pulisya upang magpaliwanag sa impormasyong natanggap na gumagamit at sangkot sila sa illegal drugs.
Prayoridad ng pamahalaan ang tatlong uri ng mga nasasangkot sa droga, ang mga curious users o mga nagsisimula pa lamang, ang mga matagalan nang gumagamit nito na mangangailangan ng rehabilitation facilities at ang pangatlo naman ay ang mga may karamdamang kailangang madala sa medical institutions dahil sa kanilang psychosis.
Ipinagpasalamat din ni Undersecretary Castriciones ang pagtulong ng mga korporasyong tulad ng San Miguel Corporation na naglaan ng P 1 bilyon, ang isa pang kumpanyang pag-aari ng may dugong Tsino na naglaan ng P1.2 bilyon ang ang isang Tsinong pilantropo na nanirahan sa Binondo na naglaan ng P 1.5 bilyon para sa isang mega-drug rehab facility sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.
Mangangailangan umano ang bawat taong mapapasok sa rehabilitation ng P 40,000 sa bawat buwan na tatagal ng anim na buwan. Mayroon umanong 800,000 mangangailangan ng rehabilitation subalit mayroong 47 mga pasilidad sa bansa at aabot lamang sa 17 ang pag-aari ng pamahalaan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |