|
||||||||
|
||
20170216dlyst.mp3
|
Ang Sibilisasyong Tsino ay isa sa mga pinakamatandang sibilisasyon sa daigdig. Humigit-kumulang sa 6,000 taon na ang nakakaraan nang umusbong ito mula sa Yellow River o Huang He. Napakarami ring mga bagay ang naimbento at nagsimula sa Tsina, at ilan sa mga ito ay mga importanteng kagamitan sa modernong panahon, tulad ng papel, pag-i-imprenta, pulbura, kompas at marami pang iba.
Papel
Ang papel o zhi sa wikang Tsino ay naimbento ni Cai Lun, isang eunuch o kapon noong panahon ng Eastern Han Dynasty (105 A.D.). Ang papel na kanyang naimbento ay gawa mula sa gamit na lambat, balat ng punong-kahoy, at retaso. Ang mga materyales na ito ay mura at madaling makuha kaya naman naging madali ang produksyon ng kanyang papel.
Dahil sa kalakalan, naituro ng mga Tsino ang paggawa ng papel sa mga Koreano noong 384 A.D. At noong 610 A.D., isang mongheng Koreano ang nagturo sa mga Hapon ng paraang ito.
Sa panahon ng digmaan sa pagitan ng Tang Dynasty ng Tsina (618 – 907 A.D.) at Imperyong Arabe, ilang sundalong Tsino at tagagawa ng papel ang nahuli ng mga Arabe, kaya natutunan nila ang paraang ito.
Samantala, noong ika-11 siglo, ang paraan ng paggawa ng papel ay naituro sa mga Indiyano dahil sa paglalakbay ng mongheng si Tang Seng patungong India para hanapin ang Buddhist sutras.
Sa pamamagitan ng mga Arabe, natutunan din ng mga Aprikano at Europeo ang paggawa ng papel. Ang unang pagawaan ng papel sa Europa ay naitayo sa Espanya.
Sa mga sumunod na taon ng huling hati ng ika-16 na siglo, ang kakayahan sa paggawa ng papel ay naituro na rin sa mga Amerikano.
Sa pagpasok ng ika-19 na siglo, laganap na sa buong mundo ang zhi o papel na naimbento ni Cai Lun.
Imprenta
Noong mga 600 A.D., naimbento ng mga Tsino ang di-nagagalaw na tipo ng pag-i-imprenta, o fixed-type engraved printing. Subalit, mabusisi at napakahirap ng pag-i-imprenta gamit ang paraang ito
Noong panahon ni Emperador Ren Zong ng Hilagang Dinastiyang Song (960 – 1127A.D.), isang taong nagngangalang Bi Sheng ang nakatuklas ng isa pang paraan ng pag-i-imprenta, ang moveable type. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pag-ukit ng mga indibiduwal na karakter sa luwad. Sa pamamagitan nito, maaring gamitin ang mga inukit na karakter sa pag-i-imprenta ng iabng mga aklat. Matapos ang 200 taon, kumalat sa ibang mga bansa ang teknik na ito at naging isa sa mga instrumento ng pag-unlad ng sangkatauhan.
Pulbura
Sa wikang Tsino ang pulbura ay tinatawag na "huo yao," na nangangahulugang nag-aalab na medisina. Di-tulad ng papel at pag-i-imprenta, ang pagkakatuklas sa pulbura o huo yao ay aksidente lamang.
Ito'y di-inaasahang nadiskubre ng mga alchemist, habang sinusubukang gumawa ng elixir of immortality. Pinaghalo nila ang sulphur, saltpeter, uling. Sa huling dako ng Tang Dynasty, ang pulbura ay ginamit na ng militar. Sa panahon ng Song (960-1279A.D.) at Yuan Dynasty (1271-1368A.D.), nadebelop ang mga kawayang kanyong nagbubuga ng mga nasusunog na palaso.
Noong ika-12 at ika-13 siglo, lumaganap ang paggamit ng pulbura sa mga bansang Arabe, Gresya, bansang Europeo at buong mundo.
Kompas
Noong panahon ng Warring States (475-221B.C.), naimbento ang Si Nan: ang ninuno ng kompas. Ang Si Nan ay isang magnet na hugis sandok na nakalagay sa isang hugis platong patungan. Ang hawakan ng magnet ay parating nakaturo sa timog. Pagdating ng ika-11 siglo, naimbento ang magnetikong karayom, bilang kapalit ng hugis sandok na palaturuan. Ang isang dulo ng karayom ay nakaturo sa hilaga at ang isa pa ay nakaturo naman sa timog. Ito ang pagsilang ng tunay na kompas. Sa pamamagitan nito, napahusay ang paglalayag ng mga barko sa mahabang distansya. At sa unang dako ng ika-14 na siglo, nagsimulang makilala at gamitin ang kompas sa Europa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |