|
||||||||
|
||
Death penalty, 'di kailangan ng bansa
NANINIWALA si Buhay Party List Congressman Jose R. Atienza, Jr. na hindi kailangan ng Pilipinas ang parusang kamatayan hanggang hindi naitutuwid ang criminal justice system na binubuo ng law enforcement, prosecution, judiciary, penology at community.
Sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kanina, sinabi ni Congressman Atienza na kung maibabalik ang parusang kamatayan, tiyak na mahihirap lamang ang maparurusahan sapagkat ang mayayaman ay makakapanuhol sa pulis, makakakuha ng mga batikang abogado, makapagbabayad sa mga taga-usig at makapagreregalo sa mga hukom hanggang sa mga mahistrado ng matataas na hukuman.
Bukod rito, sinabi pa ni Congressman Atienza na minamadali ni Speaker Pantaleon Alvarez at House Majority Leader Rodolfo Farinas ang pagpapasa sa panukalang batas upang manatiling malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte. Nagbabala si Congressman Atienza na kung hindi idadaan sa proseso ang panukalang batas, sa pamamagitan ng mga debate sa plenaryo, hindi ito maigagalang ng karamihan ng mga mamamayan.
Mas makabubuting pagdebatehan ang isyu upang makatugon sa mga katanungan. Subalit kung pipilitin ang botohan ngayon, tiyak na maipapasa ang panukalang batas.
Nagkataon lamang na hindi prayoridad ng Senado na pag-usapan ang panukalang batas na magbabalik ng parusang kamatayan sapagkat mas maraming isyung kinakaharap ang mataas na kapulungan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |