Pagsalakay ng mga autoridad sa Cebu Provincial Jail, 'di makatao
SUMABAY na si Vice President Ma. Leonor Robredo sa pagkondena sa pagsalakay ng mga autoridad sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center. Magugunitang pinaghubo't hubad ng mga sumalakay ang mga bilanggo sa paghahanap ng droga.
Ani Vice President Robredo, nakababagabag, 'di makatao at may kalupitan ang ginawa ng mga alagad ng batas. Sinabi ni Gng. Robredo na mayroong batas na nararapat sinusunod sa paghahalughog sa mga piitan. May karapatan pa rin ang mga bilanggo, dagdag pa ni Gng. Robredo sa panayam sa Cebu City kanina.
Naunang binanggit ng PDEA Region 7 na ang pag-aalis ng saplot ng mga bilanggo ay para sa kaligtasan ng mga bilanggo at ng mga alagad ng batas. Payapa naman umano ang ginawang operasyon at walang anumang kaguluhan.
Aalamin din ng Commission on Human Rights ang iba pang detalyes ng ginawang operasyon ng pamahalaan sa bilangguan.
1 2 3 4