|
||||||||
|
||
Malaking pagpupulong ng mga mangangalakal na Tsino at Filipino magaganap sa bukas at sa Sabado
AABOT sa 26 na malalaking korporasyong Tsino ang makikipagpulong bukas sa kanilang Filipino counterparts upang alamin ang potensyal ng kalakalan. Bukod ito sa 120 mga malalaking kumpanya sa Tsina ang darating at makikipagpulong sa may 350 nangungunang kumpanyang Filipino sa ilalim ng "Cross Border SME Forum" na itinataguyod ng Bank of China, Department of Trade and Industry, Philippine Chamber of Commerce and Industry at ng International Chamber of Commerce – Philippines. Idaraos ito sa dararating na Sabado.
NAGKAINTERES ANG TSINA SA PILIPINAS MATAPOS ANG PAGDALAW NI PANGULONG DUTERTE SA BEIJING. Ito ang sinabi ni dating Trade Ambassador to China Dr. Francis Chua sa isang panayam. Maraming mga negosyante ang dadalaw sa Pilipinas ngayong linggong ito, dagdag pa ni Dr. Chua. (Melo M. Acuna)
Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Francis Chua na umaasa siyang makararating si Chinese Vice Premier Wang Yang sa mga susunod na ilang araw sapagkat nakatakda siyang makausap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Biyernes.
Sa Sabado ng umaga gagawin ang Small and Medium Enterprises Forum samantalang kung matutuloy ang original schedule, idaraos ang Business Investment Forum sa hapon sa isang hotel dito sa Metro Manila.
Idinagdag ni Dr. Chua na ang mga nangungunang mangangalakal na Filipino ay nag-aagam-agam sa pagpasok ng mga banyagang mangangalakal sapagkat mababawasan ang kanilang kita.
Nagsimulang madama ang interes ng mga Tsino sa Pilipinas dahil sa matagumpay na pagdalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Beijing noong nakalipas na Oktubre.
Tulad ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, bukas din ang Philippine Stock Exchange sa pagpasok ng mga banyagang mangangalakal sapagkat ang mga kalakal na ito ang magpapasigla ng pamilihan sa bansa.
Niliwanag din n Dr. Chua na kung ang PCCI ang siyang nangangalaga sa mga mangangalakal na Filipino, ang International Chamber of Commerce Philippines ang siyang nangangasiwa sa mga banyagang mangangalakal.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |