|
||||||||
|
||
Pilipinas, nakakasabay na rin sa mga kalapit-bansa sa pagsugpo sa child labor
Ito ang binigyang-diin ni Giovanni Soledad (dulong kanan) sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido canine. Magtutulungan ang pamahalaan at pribadong sektor upang madakip ang mga lumalabag sa batas. Binanggit din ang kalakaran ng mga maguland na gumagamit sa kanilang mga anak sa cyber-pornography. Na sa gitna si Labor and Employment Director Adeline dela Cruz. (Minette Rimando/ILO)
MAHALAGANG magkaroon ng sapat na datos hinggil sa mga batang manggagawa sa iba't ibang bahagi ng bansa. Ang pinakahuling datos ay nakamtan sa pagsusuri noon pang 2011.
Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido, sinabi ni Director Adeline de Castro ng Department of Labor and Employment, may pag-uugnayan na ang Philippine Statistics Authority at iba pang tanggapan ng pamahalaan upang makasama sa Labor Force Survey ang mga kabataang nagtatrabaho sa iba't ibang larangan.
Karamihan ng mga batang babae ang tumitigil sa kanilang pag-aaral upang tumulong na sa kanilang mga magulang samantalang ang mga kabataang lalaki ay nagnanais nang kumita ng salapi kaya't trabaho na ang hinahanap.
Sa panig ni Atty. Earla Langit, chief legislative officer ni Senador Joel Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor and Youth, isinusulong nila ang pagkakaroon ng istriktong pagpapatupad ng Occupational Safety and Health standards upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa.
Ayon naman kay Julius Cainglet ng Federation of Free Workers, maraming mga kabataan ang nagtatrabaho dahil na rin sa kahirapan. Nababalitaan nila ang mga kabataang nasa labor force sa pamamagitan ng kanilang mga manggagawang na sa iba't ibang kumpanya, maging sa pabrika at mga construction sites.
Mahigpit na ring ipinagbabawal ang pagtatrabaho ng mga kabataan sa construction projects sapagkat mapanganib ito.
Sa larangan ng pagmimina, sinabi naman ni G. Giovanni Soledad ng International Labour Organization, unti-unti nang nasusugpo ang pagkakaroon ng mga kabataan sa mga small-scale mining sapagkat nagtutulungan na ang mga nasa small-scale mining, pamahalaang local at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Inihalimbawa ni G. Soledad ang Camarines Norte na mayroong small-scale mining, nagkakatulungan na ang ILO at ang BanToxics sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga manggagawa sa sinaunang kalakaran ng pagmimina.
Kahirapan ang nagbubulid sa mga kabataang pumasok sa mapanganib na hanapbuhay kasabay na rin ng kawalan ng pagkilala sa uring ito ng hanapbuhay.
Magkakaroon ng iba't ibang tugon sa mga problema ng mga mamamayan at manggagawa tulad ng pagkakaroon ng Alternative Learning System.
Nangunguna ang child labor ayon sa pinakahuling datos ng pamahalaan ang Central Luzon sa pagkakaroon ng 10.5%, pangalawa ang Bicol Region sa pagtatamo ng 10.4%, Northern Mindanao na nagkaroon ng 8.5%, CALABARZON na nagtamo ng 8.3% at Western Visayas na kinatagpuan ng 8.2%.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |