|
||||||||
|
||
INTERES AT KALIGTASAN NG MGA MANGGAGAWA, PRAYORIDAD NG PAMAHALAAN. Ito ang sinabi ni Asst. Sec. Ameurfina Reyss (gitna) sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Mahalagang tulungan ang mga may documento at illegal na manggagawa sa oras ng krisis sapagkat nasasaad ito sa batas. Nasa gaming kaliwa si dating Ambassador at Congressman Jose Apolinario Lozada at gawing kanan si Arman Hernando ng Migrante International. (Avito Dalan/PNA)
IPINALIWANAG Labor and Employment Assistant Secretary Ameurfina Reyes na nangangasiwa sa Workers Welfare Protection at Human Resources na prayoridad ng pamahalaan ang interes at kaligtasan ng mga manggagawang na sa loob at labas ng bansa.
Sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga, sinabi ni Bb. Reyes na kahit ang mga walang dokumentong manggagawang nasa ibang bansa at nasa panganib ay kailangang daluhan ng pamahalaan sapagkat nasasaad ito sa Saligang Batas.
Sa panig ni dating Ambassador at Congressman Jose Apolinario Lozada, sinabi niyang kailangang bigyang halaga ang itinatadhana ng Migrant Workers' Act of 1995 na nagsasaad ng pagkakaroon ng Country Team Approach sapagkat kailangang maging iisa ang tinig ng mga ahensya ng pamahalaan.
Naniniwala naman si Arman Hernando ng Migrante International na nararapat maging layunin ng pamahalaan ang pagkakaroon ng maayos na hanapbuhay sa loob ng bansa upang huwag nang manganib ang mga manggagawa sa oras na magkaroon ng sigalot tulad ng nagaganap sa pagitan ng mga mayayaman at maimpluwensyang bansa sa Middle East.
Idinagdag pa ni G. Hernando na hindi madaling magkaroon ng mga hanapbuhay sa Pilipinas sapagkat hindi pa ganoon kasigla ang ekonomiya upang yumabong ang kalakal.
Ligtas at walang dapat ikabahala ang mga pamilya ng mga manggagawang nasa Qatar sapagkat naging panandalian lamang ang nabalitang krisis tulad ng panic buying sa mga malalaking supermarket dahil dumaloy na ang pagkain mula sa Turkey at Kuwait.
Iminungkahi ni dating Congressman Lozada na nararapat maging mapanuri ang mga kinatawan ng bansa sa Gitnang Silangan at sa iba pang mga kinalalagyan ng mga manggagawa sapagkat anumang pagkakamali o pagkukulang ay makaaapekto sa katayuan nila.
May mga pagkakataong kailangang manahimik, dadag naman ni Susan Ople, isang OFW – advocate na dumalo rin sa "Tapatan sa Aristocrat." Idinagdag ni Bb. Ople na kailangang magkaroon ng mahigpit na pag-uugnayan ang mga manggagawa at mga kinatawan ng mga embahada upang madali ang pagtutulungan.
Inamin ni Bb. Reyes na kung sakaling sumiklab ang kaguluhan sa Gitnang Silangan ay magtatagal ang paglilikas ng mga manggagawa sapagkat umaabot sa 250,000 mga Filipino ang nagtatrabaho sa Qatar.
Nagmumula sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar at Bahrain ang higit sa 22% ng buong foreign remittances na natanggap ng Pilipinas mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig noong nakalipas na 2016.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |