|
||||||||
|
||
Suspendidong pulis, ibinalik sa serbisyo
IBINALIK na sa serbisyo ang kontrobersyal na opisyal ng pulisyang sangkot sa pagkakapaslang sa nakapiit na alkalde ng Albuera, Leyte. Ayon sa lumabas na balita, ibinalik na si Superintendent Marvin Marcos bilang pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa SOCCKSARGEN.
Ayon kay Chief Supt. Cedric Train, regional director ng PNP sa Region XII, nakatanggap na siya ng kautusan hinggil kay Supt. Marcos na nagkabisa noong nakalipas na Martes, ika-11 sa buwan ng Hulyo.
Lumabas ang appointment isang araw matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang talumpati na nais niyang ibalik si Marcos kahit nahaharap sa kasong pagpatay sa pagkasawi ni Mayor Rolando Espinosa at ng isa pang kasamang nakapiit.
Sinabi ni Director General Ronald dela Rosa na nararapat pakinabangan si Marcos sapagkat sumasahod pa siya.
Ibinaba sa 'di malamang dahilan ng Department of Justice ang kasong murder at ginawang homicide laban kay Marcos at sa 18 iba pang kasama sa pagpatay kay Mayor Espinosa at Raul Yap, na diumano'y nagtangkang makipagbarilan sa mga pulis na may dalang warrants of arrest.
Nagpiyansa si Marcos noong Hunyo at 'di pa malaman kung magkano ang ibinayad sa pansamantalang paglabas sa piitan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |