|
||||||||
|
||
Walang balitang magmumula sa pulisya kung walang pahintulot ng kinauukulan
LIMITADO na ang access ng mga mamamahayag sa police records sa pagpapatupad ng kanilang alituntunin.
Ito ang sinabi ni Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng Philippine National Police na ang mga spot report ay may kinalaman sa isinasagawang pagsisiyasat at 'di maaaring ilabas sa media kung walang pahintulot ng punong tanggapan.
Naganap ang kalakarang ito matapos mabatikos ang pulisya sa kontrobersyal na operasyong ginawa ng pulisya na ikinasawi nina Kian Loyd delos Santos, 17 taong gulang at Carl Angelo Arnaiz, 19 na taong gulang.
Samantalang sinabi ng pulisya na may krimeng ginawa ang dalawa, nabatid sa ebidensya at mga pahayag ng mga saksi na pinaslang ang dalawa.
Ipinaliwanag ni CSupt. Carlos na nasa antas na ito ng pinuno ng tanggapan o kanyang kinatawan o public information officer o tagapagsalita na alamin kung marapat na maglabas ng impormasyon. Bahala na ang chief of police na magdesisyon kung makaaapekto ba ito sa isinasagawang imbestigasyon.
May access pa rin ang mga mamamahayag sa police blotters na kinikilalang public documents sa ilalim ng PNP Media Relations Manual na inilabas noong nakalipas na Pebrero ng 2014.
Napapaloob umano ito sa mga alituntunin at hindi sa kautusan ni Director General Ronald dela Rosa 'di tulad ng lumabas na balita.
Sa pagdinig sa Senado, binanggit ni General Dela Rosa na kailangan ng clearance mula kay Pangulong Duterte bago maglabas ng spot report sa mga senador na humihiling ng mga dokumento na bahagi ng kanilang records.
Samantala, kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang kalakaran ng PNP na nagsabing labag sa batas na magtago ng balita sa mga mamamahayag.
Idinagdag ng NUJP na ang police report ay isang public document na masisilip at mababasa ng publiko. Taliwas umano ang kalakarang ito sa kanilang layuning "To Serve and Protect," dagdag pa ng pahayag ng NUJP.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |