UMABOT na sa higit sa siyam na libong magsasaka ang apektado ng bulkang Mayon mula ng pumutok ito noong nakalipas na ika-13 ng Enero. Apektado na rin ang mga pananim sa higit sa pitong libong ektaryang natatamnan ng palay, mais, mga bungang-kahoy at iba't ibang gulay at "rootcrops."
Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Albay, umabot na ang pinsala sa halagang higit sa P 185 milyon. May mga programa ang pamahalaang pambansa at panglalawigan upang matulungan ang mga magsasaka.
Nailikas na rin ang higit sa 600 baka, higit sa 500 kalabaw, 14 na kambing at tatlong kabayo.
Mula sa higit sa 70,000 evacuees, nabalita ang pagkakasakit ng may 604 katao ng iba't ibang karamdaman. Bagaman, wala pang naibabalitang nasawi, nasugatan o nawawala mula sa paanan ng bulkang Mayon.
Hanggang kaninang ikalima ng hapon, may 18,284 pamilya o 70,308 katao mula sa 47 barangay ang naninirahan sa iba't ibang evacuation centers sa mas ligtas na mga barangay sa paligid ng bulkan.
1 2 3 4 5