|
||||||||
|
||
Pilipinas, umaasa pa ring magkakaroon ng kapayapaan
TINIYAK ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansang Norway na nananatiling tapat ang pamahalaan sa paghahanap ng matagalang kapayapaan sa bansa kahit pa napigil at naputol ang negosasyon sa mga rebeldeng komunista.
Nakausap ni Pangulong Duterte si Idun Tvedt, isang special envoy ng Norway sa peace process sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines sa Davao City tatlong buwan matapos tuldukan ng pamahalaan ang pag-uusap sa patuloy na pananalakay ng mga rebeldeng New People's Army.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na naging maganda at bukas ang naging pag-uusap. Binanggit ng special envoy na handa silang tumulong sa Pilipinas sa peace process nito sa Communist Party of the Philippines, New People's Army at National Democratic Front of the Philippines. Naging third party facilitator ang Norway mula noong 2001.
Nagpasalamat umano si Pangulong Duterte sa pagpapahayag ng katapatan ng Norway samantalang tapat ang layunin ng pamahalaang maging matatag ang kapayapaan sa bansa.
Tinanggihan ni Pangulong Duterte ang kahilingan ni CPP Founding Chair Jose Maria Sison na magkaroon ng coalition government. Hindi ito magaganap sapagkat lalabag ito sa itinatadhana ng Saligang Batas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |