|
||||||||
|
||
Pilipinas, handa na sa paglalabas ng Panda bonds
HANDA na ang Pilipinas sa paglalabas ng Panda bonds na nagkakahalaga ng RMB 1.46 bilyon.
Ayon sa Department of Finance, ang Panda bonds na magkakaroon ng tagal na tatlong taon ay ilalabas sa onshore Chinese bond market bukas at ang settlement nito ay sa ika-23 ng Marso.
Ayon kay Philippine National Treasurer Rosalia de Leon, masaya siya sapagkat mayroong interes mula sa pamilihan ayon sa mga pagtatanong at feedback na kanilang natatanggap.
Ang paglalabas ng Panda bonds ay kasunod ng international deal roadshow ng delegasyon ng Pilipinas sa pamumuno ni Bb. De Leon at Bangko Sentral Deputy Governor Diwa Guinigundo. Sa roadshow na ginanap noong ika-14 hanggang ika-16 ng Marso, nakaharap nila ang mga posibleng investor sa Singapore, Hong Kong at Tsina upang ipaliwanag ang detalyes ng bond issuance at magbigay ng updates sa ekonomiya ng Pilipinas. Nakatanggap ng mainit na pagtataguyod ang kanilang economic briefing lalo na mula sa onshore investors sa Beijing.
Sa isang pahayag ng Department of Finance, nabatid na gagamitin ang Bond Connect scheme na nagpapahintulot sa offshore investors na makalahok. Ang demand mula sa onshore at offshore investors ang makapagbibigay sa Pilipinas na mas magandang rate sa petsa ng paglalabas nito.
Suportado ng malakas na macroeconomic fundamentals, ang bonds ay mayroong rating na "AAA" mula sa Lianhe Credit Rating Co. Ltd. Sa pandaigdigang pamilihan, ang Pilipinas ay mayroong rating na "Baa2" ayon sa Moody's Investors Service, and "BBB" mula sa Sandard & Poor's at Fitch Ratings na mas mataas ng isang bahagdan kaysa minimum grade para sa mga pamahalaan.
Ang Panda bonds ay bahagi ng pagtatangka ng Pilipinas na mapalawak ang investor base. Ang salaping RMB ay idedeposito sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Sa oras na magkaroon ng pagpapalit, ang kinitang piso ay makatutulong sa infrastructure projects at iba pang pangangailangan sa pananalapi ng pamahalaan.
Higit umanong gaganda ang credit profile ng Pilipinas, ayon naman kay BSP Deputy Governor Diwa Guinigundo.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |