|
||||||||
|
||
Human Rights Watch, tinuligsa ang mga pahayag nina Secretary Cayetano at Spokesman Roque
PINUNA ng Human Rights Watch ang mga pahayag nina Foreign Secretary Alan Peter Cayetano at Presidential Spokesman Harry Roque na malaki ang posibilidad na ginagamit ang ilang human rights group ng mga drug lord upang siraan ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa illegal drugs.
Ayon sa Human Rights Watch, ang mga pahayag nina Secretary Cayetano at Secretary Roque na maaaring ginagamit ng mga drug lord ang human rights groups upang punahin at siraan ang pamahalaan ay nakagugulat at nakahihiya. Ginagamit ba nila ang mga death squad upang patahimikin ang human rights avocate? ito ang tanong ni Asia Director Brad Adams sa isang pahayag.
Nanawagan ang Human Rights Watch kina G. Cayetano at Roque na bawiin ang kanilang pahayag kung wala naman silang ebidensya upang patunayan ang kanilang mga sinabi.
Sa isang pahayag, sinabi ni Secretary Roque na hindi nila isinasaisantabi ang posibilidad na ilang human rights groups ang ginagamit ng mga drug lord upang siraan ang pagtatangka ng pamahalaan na mapigil ang illegal drugs.
Binanggit pa ni Secretary Roque na upang magpatuloy at manatili sa drug business, kailangan nilang gamitin ang kanilang salapi upang tustusan ang destablization efforts laban sa pamahalaan.
Halos kahalintulad rin ito ng pahayag ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na hindi naging objective ang pagsisiyasat hinggil sa human rights situation sa Pilipinas.
Hindi umano lehitimo at scientific ang ginawang pagsisiyasat ng mga tanggapang ito, dagdag pa ni G. Cayetano.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |