|
||||||||
|
||
20180719PagkaingPinoy.mp3
|
Idinaos noong nakaraang Lunes, Hulyo 9, 2018 sa Hilton Hotel, Beijing ang pagbubukas ng "Flavours of the Philippines" food festival.
Sa pagtataguyod ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing, at sa pakikipagtulungan ng Conrad Manila at Hilton Hotel-Beijing, dalawang Pinoy chef ang nagtungo sa lunsod upang ihanda ang mga putaheng Pilipino para sa mga kaibigang Tsino.
Inihanda nina Rodelio Dela Cruz at Michael Vincent Tapiador ang mga putaheng tulad ng Adobo, Sinigang, Pinakbet, Laing, Lechon, at marami pang iba upang maipakilala sa mga kaibigang Tsino kung ano ang kultura ng pagkain ng Pilipinas.
Michael Vincent Tapiador
Ang nasabing pestibal ng pagkain ay itinanghal sa tanghalian at hapunan sa Makan Kitchen Restaurant, Hilton Hotel Beijing.
Mga handa
Ito ay nagsimula noong Hulyo 9 at nagtapos Hulyo 15, 2018.
Sa kanya namang talumpati, sinabi ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na ipinagdiriwang ng Pilipinas sa taong ito ang Ika-120 anibersaryo ng kasarinlan ng bansa, at nakatakdang idaos ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing ang ibat-ibang aktibidad para rito.
"Sa pagtitipong ito, nais naming magdiwang [kasama ng mga kaibigang Tsino] sa pamamagitan ng pagpapakita ng aming maalab na pagtanggap sa hapag-kainan," ani Sta. Romana..
Jose Santiago Sta. Romana
Ipinagmalaki niya na ang pagkain ay nasa sa sentro ng kulturang Pilipino, at ang mga Pilipino ay mahilig magsama-sama, magdiwang at kumain ng masasarap na putahe. "Sa tuwing magsasalu-salo, kadalasang nag-iimbita kami ng mga bisita at tinatanggap sila upang kumain kasama ang buong pamilya, at ang kostumbreng ito ay katulad din sa Tsina at iba pang bansa sa Asya," dagdag niya.
Ipinaliwanag pa ng embahador, na kapag bumabati ang mga Pilipino sa mga kaibigan, tinatanong din nila na, "kumain ka na ba?"
Ito ay kahalintulad din aniya ng kultura ng Tsina.
Ani Sta. Romana, ang mahabang dalampasigan ng Pilipinas, matabang lupa, saganang likas na yaman at tropikal na klima ay naging paraan para sa mga Pilipino upang makagawa ng mga putaheng may ibat-ibang lasa.
Ang lutong Pilipino ay kombinasyon ng mga katutubong sangkap at paraan ng paglulutong may impluwensya ng Espanya, Lahing Malay, Tsina, at Amerika, dagdag niya.
Sa kanya namang hiwalay na talumpati, sinabi ni Michael Vincent Tapiador, na siya'y nagagalak na ihain ang mga putaheng Pilipino na tulad ng Adobong Baboy at Manok, Sinigang, Kare-kare, at marami pang iba.
Ang mga ito aniya ay ilan lamang sa mga pagkaing nagpapakita ng kulturang Pilipino na may impluwensya ng Tsina, Lahing Malay at Espanya.
"Ang pagkaing Pilipino ay kilala sa dibersidad nito sa lasa na tulad ng maasim, maalat, matamis at paggamit ng mga sariwang rekadong mula sa probinsya," aniya pa.
Sa pamamagitan ng pestibal na ito, umaasa si Tapiador na hindi lamang ang lasa ng pagkain mula sa Pilipinas ang maibabahagi niya, kundi ang pagmamahal at kultura rin ng mga Pilipino.
Mga dumalo sa pagtitipon
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |