|
||||||||
|
||
20180730 Melo Acuna
|
HINIRANG si Camarines Sur congressman Rolando Andaya bilang majority leader sa Mababang Kapulungan. Ito ang nabatid sa plenaryo. Si Congressman Andaya ang kapalit ni Ilocos Norte Congressman Rodolfo Farinas.
Si Congressman Andaya din ang magiging chairman ng Committee on Rules na hawak ng majority leader. Naglingkod si Congressman Andaya bilang Budget Secretary noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na siya ngayong Speaker.
Hinirang ding vice chair ng Committee on Rules si Congressman Rodante Marcoleta. Nahalal naman si Leyte Congresswoman Marie Romualdez bilang pinuno ng Committee on Accounts. Hinirang din si Dante Roberto Maling bilang House Secretary General at si retiradong General Romeo Prestoza bilang Sergeant-at-Arms.
Walang dapat ikabahala sa Build, Build, Build
LAHAT ng mga proyektong kabilang sa Build, Build, Build program ng Pamahalaang Duterte ang sumailalim sa masusing pag-aaral ng iba't ibang tanggapang magpapatupad ng mga pagawaing-bayan. Hindi masasadlak ang Pilipinas sa pagkakautang. Tiyak na mayroong pakinabang ang mga mamamayan sa pamamagitan ng trabaho at paggasta sa mga proyekto.
Layunin ng pamahalaang gumastos ng mula walo hanggang siyam na trilyong piso sa mga pagawaing-bayan hanggang sa taong 2022. Karamihan umano ng mga makikinabang sa mga proyekto ay mga mula sa mahihirap na rehiyon tulad ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.
HINDI MASASADLAK SA PAGKAKAUTANG ANG PILIPINAS. ito ang niliwanag ni Finance Asst. Secretary Antonio Lambino sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kanina. (Larawan/Melo M. Acuna)
Ito ang sinabi ni Assistant Secretary Antonio Lambino ng Department of Finance sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina. Niliwanag din ni G. Lambino na 66% ng gagastusin sa mga pagawaing bayan ang magmumula sa taunang General Appropriations Act at 18% naman ang mula sa Public Private Partnerships at 15% lamang ang mula sa Overseas Development Assistance o ODA na mula sa iba't ibang bansa.
Sa tanong kung totoong may posibilidad na magdala ng mga manggagawa ang mga pamahalaang magpapautang ng kapital sa Pilipinas, sinabi ni Asst. Secretary Lambino na nagkukulang na ng mga manggagawa sa mga proyekto sa iba't ibang bahagi ng bansa. Umaasa ang pamahalaang makapagdudulot ang mga pagawaing-bayang ito ng may 1.7 milyong hanapbuhay mula ngayong taon hanggang sa 2022.
Ipinaliwanag din ni G. Lambino na sa pamamagitan ng TRAIN o Tax Reform for Acceleration and Inclusion na ipinatutupad, makakapag-ipon ng sapat na salapi ang pamahalaan upang tustusan ang mga proyekto. Ayon sa opisyal ng Department of Finance, kailangang makakolekta ng buwis ang Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs at kung magkulang ay walang ibang paraan kungdi ang pag-utang sa iba't ibang institusyon.
MGA PROYEKTOP NARARAPAT PAG-ARALAN. Nanawagan si dating Transport Undersecretary Dr. Primitivo Cal na suriing mabuti ang mga proyektong tutustusan ng Build, Build, Build upang huwag masadlak sa utang ang bansa. (Larawan/Melo M. Acuna)
Pabor naman si dating Transport Undersecretary Primitivo Cal sa mga programa ng pamahalaan subalit binanggit niyang mayroong mga proyektong nararapat suriin upang maiwasan ang pagkakaroon ng white elephants na papasanin ng mga mamamayan. Binanggit niya ang panukalang tren na nakalaan para sa mga kargamento sa pagitan ng Clark Air Base at Subic BaY Metropolitan Authority. Kulang umano ang mga kargamento upang mapanatili ang operasyon ng proyekto. Ito rin umano ang problema sa Tagum-Davao-Digos railway sapagkat kulang ang mga pasahero upang mapanatiling maayos ang operasyon nito.
Nabanggit niya ang ilang mga lalawigang magkakaroon ng mga tulay. Marapat lamang na masuri ang mga proyektong ito upang huwag mahirapan ang pamahalaan.
Nabanggit naman ni Efren Alas, isang finance expert, na maayos lamang ang TRAIN subalit kanilang mapatibay din ang mga small at medium scale enterprises sapagkat ito ang gulugod ng industriya at kabuhayan sa iba't ibang bahagi ng bansa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |