|
||||||||
|
||
20180831 Melo Acuna
|
SINABI ng Consultative Committee o ConCom na bumalangkas ng bagong Saligang Batas na kikilala sa Pederalismo ay magkakahalaga lamang ng P 13 bilyon at hamak na mababa sa pagtataya ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Aabot lamang ito sa P 13.54 bilyon ayon sa General Appropriations Act. Unang sinabi ng NEDA na magkakahalaga ang transition sa pagitan ng P 156.6 hanggang 243.5 bilyon. Ipinanukala rin ng NEDA ang limang hakbang na transition sa loob ng 15 taon upang maiwasan ang anumang pagbagal ng kaunlaran sa ekonomiya.
Nagpulong noong nakalipas na Miyerkoles ang mga kasapi ng ConCom at ang Economic Cluster ng Pamahalaang Duterte upang ayusin ang mga nakikitang sigalot at pagkakaiba sa kanilang mga paninindigan sa panukalang Saligang Batas matapos magpahayag ng pagkabahala ang mga economic manager ni Pangulong Duterte.
Magkakaroon ng P 2.9 bilyon para sa 12 bagong senador, samantalang magkakaroon ng P4.06 bilyon para sa 108 bagong kasapi ng House of Representatives at P 1.08 bilyon para sa 45 mga bagong regional assemblymen.
Magkakaroon ng dagdag na budget para sa federal regions na magkakahalaga ng P 3.6 bilyon at P 900 milyon para sa mga contingency ng mga bagong rehiyon. Ang panukalang Intergovenrment Commission ay magkakahalaga ng P 1 bilyon.
Hindi binanggit sa halaga ang magiging gastos sa bagong tatlong Korte Suprema. Ayon sa committee, two-thirds ng masisingil sa buwis, Customs duties, non-tax revenue at mga utang ang matutungo sa federal government samantalang one-third naman ang makararating sa federated regions.
Posible ring magkaroon ng 50-50 sharing sa tax revenue, customs duties, non-tax revenue at borrowings. Isang probisyon ang nagsasaad na may poder ang Federal Transition Commission na ayusin ang formula ayon sa pangangailangan ng federal government.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |