|
||||||||
|
||
Mga gurong nagpoprotesta, gumamit na ng social media
NAGKAISA ang mga guro mula sa iba't ibang paaralan na gumamit ng social media upang iparating ang kanilang pagkondena sa sobrang trabaho samantalang kulang ang sahod.
Sa kanilang tinaguriang Black Friday Protest, nagsama-sama ang mga gurong kabilang sa Alliance of Concerned Teachers, na maglagay ng kanilang mga larawan samantalang nakabaon sa mga papel na nararapat suriin samantalang humihiling na alisin na ang Philippine Professional Standard for Teachers at itaas ang kanilang sahod sa pinakamadaling panahon.
Ayon kay Benjamin Valbuena, obligasyon ng mga gurong magturo subalit sa ipinatutupad na PPST, humahaba ang kanilang oras sa hindi naman kailangang mga paperwork. Sa halip umanong makapagpahinga ay magagamit na ang oras sa paghahanda para sa pagsusuri o observation sa bawat tatlong buwan.
Idinagdag pa ni Valbuena, pangulo ng Alliance of Concerned Teachers na sinimulan na ang PPST noong Hulyo at ngayong Agosto matapos utusan ng Department of Education ang lahat na ipatupad na ang DepEd Order No. 42 na inilabas noong 2017 na naglalayong itaas ang uri at antas ng pagtuturo.
May pitong bahagdan sa gagamitan ng 13 paraan na pagsusuri. Nagrereklamo na ang mga guro ng maraming papel na kailangan tulad ng limang set ng portfolio na patunayang may nagawa ang guro at ang pagsailalim sa regular na pagsusuri na mangangailangan ng ibayong paghahanda. Dagdag na trabaho at gastos, reklamo pa ng mga guro.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |