Sa pamamagitan ng video link, dumalo at nagtalumpati ngayong gabi, Linggo, ika-22 ng Nobyembre 2020, sa Beijing, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, sa ikalawang yugto ng Ika-15 G20 Summit.
Tinukoy ni Xi, na ang kaunlaran ay susi sa paglutas ng karalitaan. Sa pamamagitan aniya ng pagpapatupad ng United Nations 2030 Agenda for Sustainable Development, dapat palakasin ang kooperasyong pangkaunlaran, at isakatuparan ang komong kaunlaran at kasaganaan.
Dagdag ni Xi, dapat bawasan ang pasanin sa utang ng mga umuunlad na bansa, at suportahan din sila sa pagkuha ng pondo, para palakasin ang sariling kakayahan ng mga umuunlad na bansa sa pagbabawas ng karalitaan.
Iminungkahi ni Xi na patingkarin ang papel ng digital technology sa pagbabawas ng karalitaan. Sa pamamagitan nito aniya, magdudulot ng mas maraming pagkakataon sa mga maliit at katamtamang laking negosyo, kababaihan at kabataan, para makahulagpos sa karalitaan.
Ipinahayag din ni Xi, na bilang bansang may masaganang karanasan sa pagbabawas ng karalitaan, nakahanda ang Tsina, kasama ng iba’t ibang bansa, na itatag ang magandang mundong walang karalitaan at tungo sa komong kaunlaran.
Salin: Liu Kai