Malaking papel ng CAEXPO para sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, inaasahan ng kapwa Tsina at Pilipinas

2020-11-27 16:20:52  CMG
Share with:

Malaking papel ng CAEXPO para sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, inaasahan ng kapwa Tsina at Pilipinas

Binuksan ngayong araw, Biyernes, ika-27 ng Nobyembre, 2020, sa Nanning, punong lunsod ng Guangxi Zhuang Autonomous Region sa timog kanluran ng Tsina, ang Ika-17 China-ASEAN Expo (CAEXPO) at China-ASEAN Business and Investment Summit (CABIS).

 

Sa kabila ng mga epektong dulot ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), patuloy pa ring lumalago ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

 

Sa kasalukuyan, ang ASEAN ay pinakamalaking trade partner ng Tsina. Itinaguyod din ng dalawang panig ang paglalagda sa kasunduan sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).

 

Samantala, mabunga rin ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Pilipinas.

 

Ang Tsina ay pinakamalaking trade partner ng Pilipinas at pinakamalaki ring destinasyon ng pagluluwas ng Pilipinas. Noong ikatlong kuwarter ng taong ito, dahil sa malaking pagdaragdag ng pagluluwas sa Tsina, nakita ang kauna-unahang paglaki ng pagluluwas pagkaraang maganap ang pandemiya ng COVID-19 sa Pilipinas.

 

Ang pagdaraos ng kasalukuyang CAEXPO at CABIS ay nagbibigay pa ng pag-asa para sa pagbangon ng rehiyonal na kabuhayan mula sa pandemiya.

 

Sa kanyang video speech sa seremonya ng pagbubukas, binigyan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng mataas na pagtasa ang relasyon at kooperasyong Sino-ASEAN. Aniya, ito ay pinakamatagumpay at pinakamasiglang halimbawa sa rehiyonal na kooperasyon sa Asya-Pasipiko, at pagtatatag ng komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.

 

Ipinahayag din ng pangulong Tsino ang marubdob na pag-asa sa CAEXPO at CABIS. Umaasa aniya siyang, sa pamamagitan ng mga ito, ihahandog ng Tsina at ASEAN ang mas maraming pagkakataong pangnegosyo, at matatamo ang mas malaking bunga, para magkakasamang lumikha ng mas masagana at magandang kinabukasan.

 

Sa mula't mula pa'y, isang magandang plataporma ang CAEXPO para sa pagpapalaki ng kalakalan. Halimbawa, noong 2019 CAEXPO, mahigit US$12 milyon ang kinita ng Pilipinas. At umabot sa 1,830 ang nakuhang trade inquiries.

 

Sa panayam sa China Media Group Filipino Service, sinabi naman ng Consul General ng Pilipinas sa Guangzhou na si Marshall Louis Alferez, na "Umaasa pa rin tayo na mananatili ang Pilipinas sa kaisipan ng mga Chinese businesses at investors. Sa pagbabalik ng global trade sa mga susunod na taon, inaasahan natin ang mas masiglang pakikipag-ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at China para sa ikabubuti ng Pilipinas at ng sambayanang Pilipino."

 

Sa 17 taong CAEXPO, lagi nitong ipinagkakaloob ang mga bagong serbisyo sa mga eksibitor, para mas mabuti silang makipag-ugnayan sa merkado ng Tsina.

 

Sa kasalukuyang ekspo, bukod sa on-site exhibition, idaraos din ang mga online promotion. Sa tulong ng digital technology, aanyayahan ng tagapag-organisa ang mga eksibitor na isagawa ang live stream sales at promotion, na kasalukuyang uso sa mga mamimiling Tsino.

 

Sa hinaharap, sa pamumuno ng ASEAN, inaasahang bibilis pa ang integrasyong pangkabuhayan ng Asya-Pasipiko. Bilang matalik na kapitbansa, kaibigan, at katuwang ng ASEAN, tiyak namang susuportahan at lalahukan ng Tsina ang prosesong ito.

 

Bilang mahalagang bahagi ng kooperasyong Sino-ASEAN, paniniwalang patitingkarin ng CAEXPO ang mas malaking papel para pasulungin ang pagpapalagayang pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang panig.

 

May-akda: Liu Kai

Please select the login method