Wang Yi: Walang intensyon ang Tsina na magkaroon ng away sa Amerika

2020-12-19 07:53:52  CMG
Share with:

Wang Yi: Walang intensyon ang Tsina na magkaroon ng away sa Amerika

Sa video conference na idinaos kahapon, Biyernes, ika-18 ng Disyembre 2020, kasama ng U.S. Asia Society, sinabi ni Wang Yi, Ministrong Panlabas at Kasangguni ng Estado ng Tsina, na walang intensyon ang kanyang bansa na magkaroon ng away sa Amerika sa anumang aspektong gaya ng diplomasya, media, o iba pa.

 

Nanawagan si Wang para sa kooperasyon ng naturang dalawang pinakamalaking ekonomiya ng daigdig, at dagdag niya, matatag at walang pagbabago ang paninindigan ng Tsina sa pakikipagtulungan sa Amerika.

 

Binigyang-diin ni Wang, na ang pakikialam ng Amerika sa mga suliraning panloob ng Tsina at pagkasira sa mga kapakanan nito ay nagtulak sa relasyon ng dalawang bansa sa pinakamababang lebel, sapul nang itatag ang kanilang relasyong diplomatiko 41 taon na ang nakararaan.

 

Iniharap din ni Wang ang limang mungkahi para sa normalisasyon ng relasyong Sino-Amerikano.

 

Ang mga ito ay paggalang sa sistema at landas ng pag-unlad ng isa't isa, paggigiit sa pandaigdigang norma ng di-pakikialam sa mga suliraning panloob sa mga isyung may kinalaman sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa, pagsasagawa ng diyalogo at pagsasanggunian para sa mga isyu sa kabuhayan at kalakalan, pag-iwas ng hidwaan sa isyu ng South China Sea, at pagkansela sa mga restriksyon sa pagpapalitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.

 

Salin: Liu Kai

Please select the login method