Mga katakam-takam na pagkain tuwing Dong Zhi

2020-12-21 16:49:09  CMG
Share with:

Mga katakam-takam na pagkain tuwing Dong Zhi

 

Tayong mga Pilipino ay likas na mandaragat, kaya naman kung ihahambing sa paglalayag ang ating paglalakbay ngayong taon, ito ay naging maligalig; puno ng malaking daluyong at malakas na bugso ng hangin.

 

Tayo ay binayo ng matitinding bagyo at baha, niyanig ng nakagigimbal na lindol, at higit sa lahat, sinalanta at patuloy pang sinasalanta ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).

 

Magkagayunman, nananaig pa rin ang diwa ng ating bayanihan, at sa pamamagitan ng pagkakapit-bisig, at magkakasamang pagharap sa mga suliranin, dahan-dahan nang bumabawi ang ating kabuhayan, kasabay ng pagbangon ng kabuhayan ng buong mundo.

 

Samantala, tatlong araw na lang at bisperas na ng Kapaskuhan, at kahit mabigat pa rin ang ating pasanin, isang maligaya, ligtas at masaganang pagsalubong sa Pasko ang aming hangad para sa lahat.

 

Ang China Media Group-Filipino Service ay nakiisa sa pagdiriwang ng Pasko ng bawat pamilyang Pilipino.

 

At bilang aguinaldo, nais po naming ihandog ang isang artikulong puno ng mga interesante at kawili-wiling kaalaman tungkol sa masasarap na pagkaing Tsino tuwing panahong kung tawagin ay Winter Solstice o Dong Zhi.  

 

Sa pamamagitan ng artikulong ito, malalaman ninyo ang pagkakapareho at pagkakaiba ng kultura ng pagkain ng mga Pinoy at Tsino.

 

At siyempre, puwedeng-puwede ninyong subukang lutuin ang isa o dalawa para sa salu-salo sa noche buena.

 

Ano ang Dong Zhi?

 

Ang Tradisyunal na Kalendaryong Tsino ay nahahati sa 24 na solar term, at ang Dong Zhi ay ang ika-22 sa 24.

 

Ngayong araw, Disyembre 21, 2020 ang simula ng Dong Zhi, at sa araw na ito, ang Tropic of Capricorn ay nakaposisyon sa direktang ilalim ng Araw, kaya ang haba ng araw sa hilagang hemisperyo ay pinakamaikli sa buong taon.

 

Pero, katulad ng unti-unting pag-ahon ng kabuhayan ng Pilipinas, Tsina at buong mundo, magsisimula ring hahaba ang liwanag ng araw at iikli naman ang gabi, matapos ang Dong Zhi.

 

Tingin ng mga Tsino,  ang Dong Zhi ay kasinghalaga ng Chinese New Year o Pestibal ng Tagsibol, kaya ito ay isang mainam na panahon ng pagdiriwang, tulad ng pagsalabuong sa Pasko at pagsasalu-salo sa noche buena.

 

Kaya, tuwing panahon ng Dong Zhi, idinaraos ng mga emperador ng sinaunang Tsina ang mga seremonya bilang pagsamba sa langit, samantalang nagdiriwang, nagsasaya at nagpapa-abot naman ng pagbati sa isat-isa ang mga mamamayan.

 

Mga kilalang pagkain tuwing Dong Zhi

 

Dumpling o Jiaozi

 

Ang Jiaozi ay espesyal at kilalang pagkain, kapuwa sa Pilipinas at Tsina.

 

Ito ay isa sa mga paboritong kainin ng maraming Pilipino at Tsino bilang meryenda, o kung minsan ay ginagawa ring ulam.

 

May kasabihan ang mga taga-Hilaga ng Tsina na“sa panahon ng Dong Zhi, hindi puwedeng mawala ang pagkain ng Jiaozi.” 

 

Mga katakam-takam na pagkain tuwing Dong Zhi

    Ang Jiaozi 

 

Ang Jiaozi ay maaaring palamnan ng giniling na karne ng baka, karne ng baboy, karne ng isda, karne ng hipon at iba pa; at ito rin ay nilalahukan ng ibat-ibang gulay at pampalasa.

 

Sa maraming lugar ng Tsina, may ibat-ibang karakteristiko, paraan ng paggawa, hitsura at lasa ang Jiaozi: tanda ng dibersidad sa kultura at paniniwala ng mga mamamayan sa magkakaibang lugar ng bansa.  

 

Narito at tungyahan ninyo ang isang maikling video tungkol sa paggawa at pagluluto ng Jiaozi ng isang karaniwang pamilya sa Beijing, kabisera ng Tsina.

 

Ang esensya rito ay ang saya ng sama-samang paghahanda at pagsasalu-salo ng buong pamilya.

 

 

 

  • Tangyuan

 

Tuwing Noche Buena, nakaugalian na nating mga Pilipino ang paghahain ng mga pagkaing hugis bilog, gaya ng keso de bola, hamon de bola, palitaw o bilu-bilo at ibat-ibang uri ng prutas na hugis bilog.

 

Naniniwala kasi tayo na ang mga pagkaing hugis bilog ay magdadala sa atin ng suwerte at mabuting kapalaran.

 

Samantala, tuwing panahon ng Dong Zhi sa Tsina, isa pa sa mga pinakamadalas ihain ay ang hugis bilog na Tangyuan.

 

Mga katakam-takam na pagkain tuwing Dong Zhi

Mga katakam-takam na pagkain tuwing Dong Zhi

Mga Tangyuan na may iba't ibang palaman at kulay

 

Ito ay gawa sa malagkit na bigas na pinalalamnan ng iba’t ibang sangkap na gaya ng linga, pulang balatong, mani, walnut, mantika, at pulang asukal.

 

Ang pagkaing Pilipino na pinakamalapit na maihahalintulad sa Tangyuan ay ang palitaw o bilu-bilo. 

 

Pinakukuluan ang Tangyuan, at kadalasang kinakain kasama ang sabaw.

 

Bukod pa riyan, ginagamit din ito bilang regalo sa mga kamag-anak at kaibigan dahil kinakatawan ng hugis bilog na Tangyuan ang pagbibigkis at muling pagkikita ng pamilya.

 

  • Huntun/Wonton

 

Ang Huntun/Wonton ay isa sa mga pagkaing nagmula sa Tsina na naging bahagi na ng hapag-kainang Pilipino.

Mga katakam-takam na pagkain tuwing Dong Zhi

Ang Wonton

 

Malimit nating makita ang Huntun/Wonton sa mga mall, restawran, at ibat-ibang karinderya.

 

Paborito itong kainin, lalo na kapag hinalo sa sabaw at pansit (wonton soup/wonton noodles).

 

At tulad din nating mga Pilipino, kinagigiliwan ito ng mga Tsino.

 

Kinakain ng mga taga-lunsod Suzhou, lalawigang Jiangsu, sa gawing silangan ng Tsina ang Huntun/Wonton, lalo na tuwing Dong Zhi.

 

Ayon sa kuwento, mga 2,500 taon na ang nakakaraan, nakamuhian ng hari ng Estado ng Wu, isa sa mga kaharian noong panahon ng Spring and Autumn Period (770BC – 476BC) ang mga mamahaling uri ng pagkain, at gusto niyang kumain ng mga putaheng simple ngunit may kakaibang lasa.

 

Isang araw, para matupad ang hiling ng hari, nagluto ng Huntun/Wonton ang magandang binibining si Xi Shi.  

 

Nagustuhan ito ng hari at kumain siya ng napakarami.

 

Bilang parangal kay Xi Shi, itinalaga ng mga mamamayan ng Suzhou ang Huntun/Wonton bilang opisyal na pagkain para sa pagdiriwang ng Dong Zhi.

 

  • Sopas ng sotanghon na may karne ng tupa

 

Sa malamig na panahon, tayong mga Pilipino ay mahilig humigop ng mainit na sabaw, nariyan ang mami, sopas, sinigang, nilaga, at marami pang iba.

 

Mga katakam-takam na pagkain tuwing Dong Zhi

 

Sa Tsina, ganito rin ang kaugalian, at sa lunsod Yinchuan, Rehiyong Awtonomo ng Lahing Hui ng Ningxia, sa gawing hilagang kanluran ng Tsina, mayroon silang tinatawag na sopas ng sotanghon na may karne ng tupa.

 

Ang kaugalian ng pagkain at paghigop ng naturang mainit na sabaw ng sotanghon ay nakakapagbigay ng init at sigla upang malabanan ang mga sakit na dulot ng taglamig.

 

Bukod diyan, tulad din ng kaugalian ng magkakapit-bahay sa Pilipinas, ibinabahagi rin ng mga taga-Yinchuan ang kanilang nilutong sopas sa kanilang mga kapit-bahay.

 

  • Buto ng halaman o nut

 

Ang Dong Zhi ay nasa kalagitnaan ng taglamig, at ayon sa Tradisyunal na Medisinang Tsino (TCM), makakabuti sa katawan, lalung-lalo na para sa bato, puso at utak kung kakain ng mga pagkaing mayaman sa esensiyal na langis, protina at bitamina.

Mga katakam-takam na pagkain tuwing Dong Zhi

 

Para rito, karamihan sa mga Tsino ay kumakain ng mani, walnut, kastanyas, hazelnut, almond, at iba pang mga buto ng halaman. 

 

  • Kakanin

 

Gaya nating mga Pilipino na naghahanda ng mga kakanin sa noche buena, kumakain din ng mga kakanin ang mga Tsino tuwing Dong Zhi.

 

Sa lunsod Hangzhou, lalawigang Zhejiang, sa gawing silangan ng Tsina, mahilig kumain ng mga kakanin ang mga mamamayan sa panahon ng Dong Zhi.

 

Noong nakaraan, halos bawat pamilya ay gumagawa ng sariling kakanin bilang handa, regalo sa mga kapamilya at kaibigan, at alay sa mga ninuno tuwing Dong Zhi.

 

 

Mga katakam-takam na pagkain tuwing Dong Zhi

Mga katakam-takam na pagkain tuwing Dong Zhi

 

Pero, dahil sa pagbabago ng takbo ng pamumuhay sa makabagong panahon, mas kakaunti na ngayon ang mga pamilyang gumagawa ng kakanin.

 

Magkagayunman, dumarami naman ang mga taong bumibili ng mga ito bilang handa at regalo sa mga kaibigan at kamag-anak.

 

Artikulo: Rhio Zablan

Edit: Jade

Video: Jade

Larawan: VCG/Jade

Source: Sarah/Rhio

Please select the login method