Bilang tugon sa kakulangan sa suplay ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), inilabas ng ilang bansang gumagamit ng bakuna ng Pfizer na gaya ng Britanya, Denmark at Alemanya, ang planong bahagyang ipagpaliban ang pagbabakuna ng ikalawang dosis, para mabakunahan ng unang dosis ang mas maraming tao.
Kaugnay nito, ipinatawag kahapon, Martes, ika-5 ng Enero 2021, ng World Health Organization, ang pulong ng 26 na dalubhasa mula sa iba't ibang bansa para pag-aralan ang usaping ito.
Ayon sa mungkahi ng mga dalubhasa, sa karaniwan, 3 hanggang 4 na linggo ang pagitan ng pagbabakuna ng dalawang dosis ng bakuna ng Pfizer, at kung may espesyal na pangangailangan, puwedeng 6 na linggo ang maging agwat.
Pero, inilabas naman ng Pfizer at BioNTech, katuwang nito sa pagdedebelop ng bakuna, ang pahayag na nagsasabing sa kasalukuyan, wala pang eksperimento tungkol sa pagpapahaba ng agwat ng dalawang dosis, at hindi nila alam kung ano ang magiging epekto nito sa bisa at kaligtasan ng bakuna.
Salin: Liu Kai