Ang 2020 ay taong lipos ng pangamba at kawalang-katiyakan, dahil idinulot ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang malaking banta sa kalusugang pampubliko ng daigdig, at inilagay sa resesyon ang kabuhayang pandaigdig, kasama ng ibang mga hamong nagpalala pa ng situwasyon.
Ang kaguluhang kinakaharap ngayon ng daigdig ay halos pareho sa kalagayan noong 2017, kung kailan bumigkas ng talumpati sa kauna-unahang pagkakataon si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa World Economic Forum (WEF), at nagbigay ng solusyong Tsino sa komunidad ng daigdig.
Sa kanya namang talumpating binigkas nitong Lunes, Enero 24, 2021, sa pamamagitan ng video link sa Davos Agenda ng WEF, kaugnay ng pagpigil at pagkontrol sa pandemiya ng COVID-19, sinabi ni Xi, na dapat ipagpatuloy ng buong daigdig ang paglaban. "Gayunpaman buong tatag tayong nananalig na hindi mapipigilan ng taglamig ang pagdating ng tagsibol, at hindi mababalutan ng kadiliman ang liwanag ng bukang liwayway," aniya pa.
Sinabi rin ni Xi, na ang kooperasyong pandaigdig ay ang pinakamahusay na paraan, para manaig sa pandemiya, pati na rin sa iba mga pandaigdigang hamon. Dapat aniya isagawa ng mundo ang multilateralismo at buuin ang komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan para sa sangkatauhan, dahil walang pandaigdigang problema ang malulutas ng iisang bansa lamang.
"Dapat magkaroon ng pandaigdigang aksyon, pandaigdigang tugon at pandaigdigang kooperasyon," diin niya.
Bilang suporta sa multilateralismo, sinabi ni Xi, na dapat palakasin ang pandaigdigang mekanismo ng pagtutulungan at pagsasanggunian. Nanawagan din siya sa iba't ibang bansa, na huwag gamitin ang mga pagkakaiba sa kasaysayan, kultura o sistema, bilang pangangatwiran sa pagsasagawa ng komprontasyon. Sa halip, dapat igiit ng mundo ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, at lutasin ang mga pagkakaiba sa pamamagitan ng pagsasanggunian at pag-uusap, dagdag niya.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin din ni Xi, na dapat ibigay ng komunidad ng daigdig ang kinakailangang suporta sa mga umuunlad na bansa at pangalagaan ang kanilang mga lehitimong kapakanan sa pag-unlad. "Dapat nating kilalaning, sa pamamagitan ng paglago ng mga umuunlad na bansa, magiging mas matatag ang kaunlaran at katatagan ng daigdig, at makakabuti rin ito sa mga maunlad na bansa," paliwanag ni Xi.
Dapat palakasin ang pagkakapantay-pantay sa mga karapatan, pagkakataon at tuntunin, upang ang lahat ng mga bansa ay makinabang sa mga pagkakataon at bungang dulot ng pag-unlad, dagdag niya.
Kaugnay naman ng ibibigay na ambag ng Tsina sa bagong taon, ipinangako ni Xi, na magsisikap ang Tsina, kasama ng ibang mga bansa, para maging mas bukas, inklusibo, malinis at maganda ang daigdig, at isakatuparan ang pangmatagalang kapayapaan, panlahat na katiwasayan, at magkakasamang kasaganaan. Nakahanda rin aniya ang Tsina, na magbigay-tulong sa ibang mga umuunlad na bansa, para lipulin ang karalitaan, pagaanin ang pasanin sa utang, at makamit ang higit pang paglago.
"Inaasahan namin na ang mga pagsisikap na ito ay magdudulot ng mas maraming pagkakataong pangkooperasyon sa ibang mga bansa, at magbibigay ng mas malaking sigla sa pagbangon at paglago ng kabuhayang pandaigdig," diin ni Xi.
May-akda: Liu Kai
Xi Jinping: Pangalagaan ang mga lehitimong kapakanan sa pag-unlad ng mga umuunlad na bansa
Xi Jinping: Kayabangan, pagtatangi, at pagkamuhi, tunog ng kampana ng babala
Xi Jinping: Taglamig, hindi mapipigilan ang pagdating ng tagsibol
CMG Komentaryo: "Kalutasang Tsino," nagbibigay ng direksyon sa paglutas sa mga isyung pandaigdig